Inaprubahan ng Sandiganbayan Second Division ang hiling ni retired Army Major General Carlos Garcia na pansamantalang makalabas ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City upang makadalo sa burol ng kanyang kapatid sa Quezon City.

Sa isang resolusyon, pinaboran ng anti-graft court ang mosyon na inihain ni Garcia na humihiling na makadalo sa burol ng kanyang kapatid na si Philip Garcia sa Immaculate Concepcion Cathedral sa Quezon City. Ngunit imbes na apat na oras, na unang hiniling ng sintensiyadong heneral, binigyan lamang siya ng korte ng tatlong oras – simula 5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi kahapon – upang masilip ang kapatid.

Tiniyak din ng korte sa NBP na babalikatin ni Garcia ang lahat ng gastusin sa kanyang pagpunta sa burol.

Pinagbawalan din si Garcia na magkaloob ng interview sa media at paggamit ng cell phone habang nasa labas ng NBP.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Napag-alaman na pumanaw ang kapatid ni Garcia, na isang overseas Filipino worker (OFW) sa Riyadh, Saudi Arabia noong Pebrero 15 at dumating lang sa Pilipinas ang labi nito noong Marso 27.

Matatandaan na sinintensiyahan ng Sandiganbayan si Garcia ng pagkakakulong dahil sa pagsisinungaling sa kanyang mga asset at pagiging permanent US resident habang aktibo pa rin sa serbisyo.

Kasalukuyan ding nililitis ng Second Division ang plunder case na kinahaharap ni Garcia dahil sa pagkamal ng yaman na aabot sa P303 milyon mula sa umano’y ilegal na transaksiyon habang siya ay nanunungkulan bilang comptroller ng Armed Forces of the Philippines (AFP). (Jeffrey G. Damicog)