Kapwa nanganko sina Carlo Magali at Rey Singwangcha Megrino ng Highland boxing stable na patutulugin ang kani-kanilang karibal sa ‘triple championship card’ na siyang tampok na programa sa ginaganap na Oriental Pacific Boxing Federation convention sa El Fisher Hotel sa Bacolod City.

Haharapin ni Magali, galing sa impresibong KO win sa Australia kung saan siya nakabase, si Mark Gil Melligen ng Negros para sa superfeatherweight interim title.

Makikipagpalitan ng suntok si Megrino kontra kay Japan-based Pinoy na si Jonathan Baat para sa OPBF interim bantamweight jewel.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

“‘Pag may pagkakataon po, I will go for a knockout. Magaling din po ang kalaban so kailangan talaga ingat. Pero dadaanin po natin sa lakas ‘yan at bilis,” pahayag ni Megrino sa PSA Forum nitong Martes sa Shakey’s Malate.

Tulad ng kanyang kababayan, sinabi ni Magali na nakasentro ang kanyang atensiyon na pahalikin sa lona ang karibal.

“Ganu’n din po ako, ‘pag kayang tapusin sa knockout mas maganda pong panalo,” aniya.

Parehong hinasa at binatak sina Megrino at Magali sa La Trinidad, Benguet.

Ang ikatlong championship showdown sa programa ay ang duwelo sa pagitan nina Rene Dacquel (16W-6L-1D) at walang talong si Thai Lucky Tor Buamas para sa interim superflyweight crown.

Mapapanood naman bilang supporting bout ang pagtutuos nina Gerry Pateno at Omri Bolibar ng Kashimi Boxing Gym sa Japan sa eight-round bantamweight.

“Malaki po ang tiwala ko sa dalawang ito. Makuha lang po nila ito ay hinog na po sila for world championship,” sambit ni Boy Jorda, tumatayo ring coach nina Women’s International Boxing Association strawweight champ Jujeath Nagaowa at International Boxing Organization lighflyweight king Rey Loreto.

Gaganapin ang sagupaan sa grand ballroom ng Fisher Hotel kung saan si WBC president Jose Sulaiman ang guest of honor.