Mistulang hindi na mapipigilan ang laban ng Pinoy boxing champ at kandidato sa pagkasenador na si Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa Amerikanong si Timothy Bradley sa Las Vegas sa Amerika sa Abril 9.

Nagdesisyon ang Commission on Elections (Comelec) nitong Martes na huwag nang aksiyunan ang mga liham ng isa pang senatorial candidate na si Walden Bello at ng dating senador na si Rene Saguisag kaugnay ng laban ni Pacquiao.

Tatlong dahilan ang tinukoy ni Comelec Chairman Andres Bautista, at kabilang sa mga ito ang kawalan ng pormal na petisyon sa komisyon.

“The en banc took note that there was really no formal complaint that was filed in accordance with Comelec rules and procedures,” ani Bautista.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ikalawa, sinabi ni Bautista na hindi pa nangyayari ang laban.

“It’s stil contingent. There is a possibility of it happening but it has not happened yet so much so that number three the en banc believes at this point there is still no justiciable controversy,” paliwanag ni Bautista. “We cannot operate in terms of possibilities. We do not give hypothetical opinions. We do not give advisory opinions as a quasi-judicial body.”

Binigyang-diin din ni Bautista na walang kapangyarihan ang Comelec para pigilan ang sinasabing huling laban sa ring ni Pacquiao.

Sa kanyang liham sa Comelec nitong Pebrero, hiniling ni Bello na tukuyin ng komisyon kung labag sa election rules ang laban ni Pacquiao sa susunod na buwan, dahil magkakaroon ng “distinct advantage” ang huli sa iba pang kandidato sa pagkasenador. (Leslie Ann G. Aquino)