Nora Aunor Whistleblower copy

ABOT-TENGA ang ngiti ni Nora Aunor nang dumating sa presscon ng bago niyang movie, ang socio-political thriller na The Whistleblower, na pagbati ng congratulations ang isinalubong ng entertainment press.

Proud na proud kasi si Ate Guy sa ginawang kabutihan ng kanyang anak na si Kristoffer Ian de Leon, na nag-trending sa social media nang may mag-post na kaanak ng batang tinulungan nito.

May nabundol ng motorsiklo na sampung taong gulang na bata kasing tinulungan si Ian. Tinakbuhan ng nakabundol ang bata, maraming nakakita sa aksidente, pero pinanood lamang nila, at walang kumilos para tumulong. Nagkataong dumaan si Ian na nang makitang walang tumutulong sa bata, siya ang nagdala sa ospital.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Nagmana siguro sa ina,” natatawang wika ni Ate Guy. “Kung makakita ka siguro ng ganoon, tutulungan mo, pero walang tumulong at nakatingin lang sila sa sugatang bata. Sa ginawang pagtulong sa kanya ng anak ko, para sa akin, isang hero siya. Mabait si Ian, at hindi lamang iyon ang first time na tumulong siya sa nangangailangan.”

Kumalat ang kabayanihan ni Ian nang lumabas sa social media ang paghahanap ng ina ng bata sa kanya, para magpasalamat. Ang kapatid na si Lotlot de Leon ang naglabas sa Instagram na siya na ang magpaparating sa younger brother niya ng pasasalamat ng ina.

May nagtanong din kay Ate Guy kung totoong naka-confine ngayon sa hospital ang youngest brother naman niyang si Eddie Boy o si Buboy.

“Totoo po, kaya medyo wala ako sa sarili ko ngayon kasi last July 2016 pa siya na-stroke at humihingi ako ng inyong dasal para kay Buboy, na sana ay bumalik na siya sa normal. Hindi na kasi niya naigagalaw ang buo niyang katawan at may tubo na lamang na dinadaanan ng pagkain niya.

“Mahirap man po ang pinagdadaanan ko ngayon, sanay na ako dahil marami na akong pinagdaanan. Pero sa halip na iyakan ko ito, mas pinili kong magtrabaho, kaya po hindi ko tinanggihan itong The Whistleblower dahil napapanahon ito at tamang-tama sa parating na eleksyon sa May 9.”

Natanong tuloy ang superstar kung sino ang susuportahan niya sa eleksyon, hindi naman niya itinago ito dahil naka-cap siya na may pangalan ni Sen. Grace Poe.

Produced by Unitel Productions at Quento Media, masaya si Mr. Tony Gloria dahil nabigyan na ito ng Grade A ng Cinema Evaluation Board (CEB) at showing na ito simula sa April 6.

Napanood na namin ang movie sa special red carpet screening sa Cinema 2 ng Gateway Mall at ang huhusay ng tatlong lead stars na sina Ate Guy, Cherry Pie Picache at Angelica Panganiban. Ganoon din sina Ina Feleo, Bernardo Bernardo, Flor Salanga, Anita Linda, Carlo Aquino, Leo Rialp at Ms. Laurice Guillen. Plus ang special participation ng napakaraming guest stars. Mula naman sa direksyon ni Adolfo Alix, Jr. (NORA CALDERON)