Nakamit ni two-time Olympian Josephine Medina ang titulo bilang ‘first gold medalist’ sa 5th PSC-PHILSpada National Para Games matapos dominahin ang singles event ng table tennis kahapon sa Marikina Sports Center.

Itinala ng 46-anyos mula Oas, Albay ang perpektong tatlong panalo upang masiguro na makakasama sa Philippine Team na sasabak sa Rio ParaGames sa Brazil.

Tinalo ni Medina si Angela Quirubin ng Quezon City, 11-4, 11-15 at 11-1 bago isinunod ang taga-Iligan City na si Marie Jane Paz sa iskor na 11-1, 11-1, 11-retired. Huli nitong nakatapat subalit hindi na lumaban ang kakampi sa pambansang koponan na si Minnie De Ramos-Cadag.

“Maganda pong training ito para sa akin kasi wala na akong exposure pa para sa actual tournament para sa Rio,” sabi ni Media na nagtala ng pinakamagandang pagtatapos para sa Pilipinas noong 2012 London Paralympics matapos na mabigo sa play-off sa tansong medalya at pumang-apat lamang sa singles event.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Samantala’y maliban sa National Para Games ay napapanahon at nararapat din bigyan ang bawat local government units (LGU’s) ng kani-kanilang torneo ang mga nasasakupan nito na differently-abled.

Ito ang naging mungkahi ni Marikina City Mayor Del De Guzman sa pagdalo bilang panauhing pandangal sa opening ceremony.

“Marahil ay napapanahon nang magkaroon ang bawat local government unit ng kani-kanilang torneo para sa ating mga differently-abled constituents, “ sabi ni De Guzman matapos makita ang kasiyahan at katuwaan sa mga batang atleta na kalahok sa nagtala ng record attendance na torneo.

“Now that we have laws protecting and giving incentives to our differently-abled athletes, sana ay magkaroon naman ng mga torneo sa bawat siyudad at probinsiya bilang pangsuporta sa ating mga pambansang atleta at sa grassroots sports development ng ating bansa,” aniya. (ANGIE OREDO)