BILANG paggunita sa National Women’s Heart Health Month ngayong taon, muling pinaigting ng Philippine Heart Association, Inc. (PHA) Council on Women’s Heart Health ang kampanya nito para sa kamulatan tungkol sa kalusugan ng puso ng kababaihan upang maturuan ang mga babae sa mga tamang hakbangin para makaiwas sa Cardiovascular Disease (CVD).
Ang selebrasyon ng National Women’s Heart Health Month ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 1675 na ipinalabas noong Nobyembre 20, 2008. Ang proklamasyon ay bilang tugon sa mataas na insidente ng CVD, na noong 2008 ay “the number one killer of women in the Philippines, claiming more women’s lives than all forms of cancer combined.”
Ang adbokasiya ng PHA Council on Women’s Cardiovascular Health (CWCH) na nakasaad sa “Assessment and Management of Cardiovascular Risks in Women” ay kinabibilangan ng: pagsulong ng kamulatan sa kababaihan sa lahat ng antas sa pamamagitan ng mass media na ang CVD ang nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga Pinay; pagbibigay-kaalaman sa kababaihan sa pamamagitan ng mga forum, seminar, at workshop; paghimok sa kababaihang Pilipino na magkaroon ng malusog na pamumuhay, regular na kumonsulta sa doktor at inumin ang kanilang gamot; alisin ang hadlang na pang-kultura na tumutukoy sa kalusugan ng puso ng mga babae bilang hindi prioridad kumpara sa kalalakihan; paghikayat ng mas maraming advocate, kabilang ang mga karaniwang taon, mga non-health professional at ang gobyerno; at pagsasanay sa mga doktor na turuan ang kababaihan na matukoy ang kaibahan ng pagsususpetsa at realidad ng CVD. Mariing isinusulong ng konseho ang pagbabago sa pamumuhay na kinabibilangan ng: tuluyang pagtigil sa paninigarilyo; pagkakaroon ng masustansiya at balanseng diet; regular na pag-eehersisyo; pagkakaroon ng wastong timbang; pangangasiwa sa antas ng high blood lipid; at pagkontrol sa alta-presyon.
Ang nakaaalarmang pagdami ng kamatayang iniuugnay sa CVD ang nagbunsod upang maglabas ang PHA ng mga bagong patakaran sa paggamot sa sakit sa puso sa librong, “2014 Philippine Clinical Practice Guidelines for the Management of Coronary Heart Disease.” Ang libro ay isinulat ng mga eksperto sa larangang ito; at ang ilang bahagi ay nagmula pa sa pinakarespetadong organisasyon sa mundo, gaya ng American College of Cardiology at ng European Society of Cardiology. Partikular nitong tinatalakay ang saklaw at mga limitasyon ng pangangalaga sa kalusugan ng puso sa Pilipinas.
Para sa National Women’s Heart Health Month, hinihimok natin ang lahat ng Pilipina na alagaan ang kanilang mga puso upang maibsan, kung hindi man tuluyang masugpo, ang panganib ng pagkakasakit sa puso. May mahalaga at pambihirang tungkulin ang kababaihan sa pagbibigay ng buhay. Ang puso ng isang babae, bukod pa sa silbi nito sa katawan, ay naglilipat ng buhay, at may natural na kakayahang arugain at panatilihin ang sangkatauhan.