Isang 23-anyos na helper ang nasa kritikal na kondisyon nang tangkain nitong magpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sentido, sa loob ng kanyang inuupahang bahay sa Tondo, Manila kahapon.

Kasalukuyang nagpapagaling sa Gat Andres Bonifacio Hospital si Harold Panuncio, tubong Capiz, at residente ng Gate 15, Area D, Parola compound, Tondo Maynila, dahil sa tama ng bala sa kanang sentido.

Sa ulat ni PO3 Tom Jay Fallar, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Station 2, dakong 6:45 ng umaga nang nangyari ang insidente.

Ayon kay Ronald Ribanona, 23, nagtitinda ng prutas, sabay silang kumakain ng biktima nang walang sabi-sabing dinampot ng huli ang isang kutsilyo, pumasok sa loob ng kanyang kuwarto bago ikinandado ang pinto.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Kinabahan naman si Ribanona dahil pakiramdam niya ay may gagawin itong masama kaya’t agad siyang humingi ng tulong sa kanilang kapit-bahay na si Daisy Tulaan.

Humiram ng martilyo si Ribanona para sirain ang padlock ng pintuan ngunit hindi nagtagal ay nakarinig na sila ng putok ng baril.

Puwersahan nilang binuksan ang pinto ng kuwarto ng biktima at dito na tumambad ang duguang si Panuncio, dahilan upang isugod nila ito sa ospital.

Nakuha sa pinangyarihan ang isang kutsilyo at kalibre .38 na ginamit ni Panuncio sa tangkang pagpapakamatay.

(Mary Ann Santiago)