Magbabalik ang ONE Championship sa Manila sa Abril 15 sa Mall of Asia Arena sa pagdaraos ng ONE: Global Rivals na tatampukan ng walang talong si Muin “Tajik” Gafurov at ng Filipino-Australian na si Reece “Lightning” McLaren.
Ang 19-anyos na si Gafurov ay hindi pa nakakatikim ng pagkatalo bilang professional mixed martial artist sa loob ng sampung laban habang si McLaren ay may rekord na 8-3-0.
Naunang lumaban si Gafurov sa ONE Championship noong nakaraang Setyembre kontra sa American standout na si Casey Suire.
Pinahanga ng batang- batang fighter ang mga manonood sa kanyang all- out at agresibong istilo na nagbigay sa kanya ng panalo matapos patamaan si Suire ng isang spinning back kick.
Huli niyang tinalo ang Finnish MMA stalwart na si Toni “Dynamite” Tauru sa pamamagitan ng technical knockout noong Enero.
Para naman sa 24-anyos na si McLaren , naitala nito ang pinakamalaking panalo sa kanyang career sa kanyang huling laban,isang submission victory laban kay Mark “Mugen” Striegl.
Nagtataglay si McLaren ng matinding striking skills bukod sa technical ground game.
Kapwa itinuturing na mga skilled fighters, inaasahang isang matinding pasabog ang hatid ng Gafurov-McLaren showdown.
May pinagsamang 18 panalo, 17 dito ang di umabot ng final bell, tiyak na umaatikabong aksiyon ang matutunghayan sa laban ng dalawa.
Sinuman ang magwagi kina Gafurov at McLaren ay may tsansang makaharap ni reigning ONE Bantamweight World Champion Bibiano “The Flash” Fernandes ng Brazil. (Marivic Awitan)