Naglabas na ang Sandiganbayan Fifth Division ng warrant of arrest laban kay dating Bukidnon Rep. Candido Pancrudo at limang iba pa na idinawit sa mga umano’y ghost project na pinondohan ng kanyang pork barrel fund.
Naglabas ng resolusyon ang anti-graft na nagdedeklarang may probable cause sa paghahain ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, isang count ng malversation of public funds, at falsification of public documents laban kay Pancrudo at limang kasamahan nito.
“Wherefore, let warrants of arrest issue against accused Candido P. Pancrudo, Jr., Alan A. Javellana, Rhodora B. Mendoza, Maria Ninez P. Guanizo, Victor Roman C. Cacal and Mark B. Espinoza who are common accused in the afore-mentioned cases,” nakasaad sa resolusyon na nilagdaan ni Acting Chairperson Rafael Lagos, at nina Associate Justice Ma. Theresa Mendoza-Arcega at Zaldy Trespeses.
Tanging si Espinosa, pangulo ng Uswag Pilipinas Foundation, Inc. (UPFI), lamang ang pribadong indibiduwal na kinasuhan hinggil sa naturang kontrobersiya.
Habang ang iba ay mga dating opisyal ng National Agribusiness Corporation (NABCOR) na kinabibilangan nina Javellana, dating pangulo; Mendoza, dating vice-president at director for administrative and finance; Guañizo, dating accounting division officer-in-cahrge; at Cacal, paralegal and general services supervisor.
Kinasuhan si Pancrudo dahil sa umano’y maanomalyang paglalaan ng P7.954 milyon ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2009 sa UPFI na sana’y gagamiting pondo sa mga proyektong pangkabuhayan sa kanilang distrito na hindi naman natupad.
Inakusahan din ang grupo ni Pancrudo ng pagpabor sa UPFI bagamat hindi bineripika kung ito ay may kaukulang akreditasyon at legal na dokumento upang pumasok sa naturang kontrata.