KAPATAGAN, Davao del Sur – Posibleng nakaapekto na nang matindi ang limang araw nang sunog sa Mount Apo Natural Park (MANP) sa flora and fauna na sa lugar lang na iyon matatagpuan.
Ito ang pagtataya ni Edward Ragasa, Parks Operations Superintendent ng Department of Environment and Natural Resources)-Region 11 nang kapanayamin ng may akda nitong Martes ng gabi.
Sinabi ni Ragasa na kailangang suriin ng kagawaran ang naging pinsala ng sunog sa natural habitat sa MANP at sa mga halaman at hayop na endemic sa lugar.
Mahigit 250 volunteer na ang nagsisikap sa pag-apula sa pagliliyab na tumupok na sa mahigit 350 ektarya ng bundok, aniya.
Pitong grupo na rin ang itinalaga sa lugar, na binubuo ng mula sa DENR, Bureau of Fire Protection (BFP), at mga lokal na pamahalaan mula sa Regions 11 at 12.
“Our focus now will be on prevention and to establish more fire lines,” sabi ni Ragasa.
Ipinagpatuloy na rin ang chopper operation ng Philippine Air Force (PAF) kahapon makaraang bumuti na ang lagay ng panahon.
Nitong Martes, nagpasaklolo na si American Chamber of Commerce in Mindanao (AMCHAM-Mindanao) President Philip Dizon sa gobyerno ng United States upang tumulong sa pag-apula ng sunog sa Mt. Apo.
Nasa MANP ang may 800 vascular at non-vascular plant species na ikinokonsiderang endemic sa lugar; may 272 uri ng ibon din sa bundok, na 40 porsiyento o 111 rito ay sa Mt. Apo lang matatagpuan. (ALEXANDER D. LOPEZ)