SA nakalipas na mga dekada, tinaya sa average na 2.5 porsiyento ang pagtaas ng populasyon sa Pilipinas kada taon.
Bagamat bumaba ito sa 1.9 na porsiyento sa pagitan ng 2000 at 2010, ang paglobo ng populasyon ay itinuring na malaking problema ng ilang sektor, isang malaking bagay na makapipigil sa mga pagsisikap upang maibsan ang matinding kahirapan sa bansa.
Noong 2012, pinagtibay ng Kongreso ang Republic Act 10354 para sa isang pambansang polisiya sa pagiging responsableng magulang at sa reproductive health. Saklaw nito ang probisyon sa mga serbisyo sa reproductive health care at paraan at supplies sa pagpaplano ng pamilya. Ang pagpapanatag sa paglobo ng populasyon, ayon sa batas, ay kaakibat ng pagsulong ng reproductive health.
Mariing pinagtalunan ang Reproductive Health Law ng administrasyong Aquino at ng Simbahang Katoliko. Nagawa nitong mapatunayan ang tagumpay sa pagpigil sa paglobo ng populasyon sa Pilipinas. Noong 2014, ang tinayang pagdami ng populasyon ay bumaba sa 1.81 porsiyento. Inaasahang bababa pa ito sa .65 porsiyento pagsapit ng 2040-2045, kapag ang populasyon ng Pilipinas ay nasa 142 milyon na, ayon sa Philippine Statistics Authority.
Kawili-wiling malaman na habang sinisikap nating pigilan ang paglobo ng ating populasyon, namumroblema naman ang ibang bansa sa problemang taliwas ng sa atin sa patuloy na pagkaunti ng kanilang populasyon. Disyembre 2015 nang opisyal nang tinuldukan ng China ang one-child policy nito, na ipinatupad noon pang huling bahagi ng 1970s.
Idineklara nitong maaari nang magkaroon ng dalawang anak ang isang mag-asawa. Binawi nito ang polisiya dahil sa tumatanda nitong populasyon at kumakaunting puwersa ng mga manggagawa.
Sa unang bahagi ng buwang ito, inihayag ng Eurostat ng European Union na pinangunahan ng France ang Europa sa pagkakaroon ng pinakamataas na fertility rate noong 2014, sa 2.01 pagsilang sa bawat babae, kasunod ang Ireland na may 1.94, Sweden na may 1.88, at Britain na may 1.81—ngunit pawang mababa pa rin sa 2.1 pagsilang sa bawat babae na itinuturing ng mga statistician na replacement rate sa isang mayamang bansa. “The good result for France, but also for Europe’s northwestern countries in general, is explained by more generous family and social policies than found in southern and eastern European countries,” ayon sa isang mananaliksik sa demography institute sa Paris.
Malapit lamang sa Pilipinas, inihayag ng Taiwan ang polisiya nitong “Look South”, at hinihimok ng gobyerno ng Taiwan ang sektor nito ng pagnenegosyo na makipag-ugnayan sa mga potensiyal na katuwang sa Pilipinas at sa iba pang mga bansa sa katimugan ng Taiwan. Ang isa sa mga dahilan ng polisiya para makipagtulungan sa mga Pilipino sa negosyo ay ang nakaaalarma na mababang fertility rate ng 1.1 sanggol sa bawat babae; kaya naman hinihimok nito ang mas maraming Pilipinong manggagawa upang maresolba ang kumakaunti nitong manggagawa.
Mas mainam na pag-aralan ng ating mga population official ang mga pagbabagong ito sa mundo. May aral na mapupulot dito na maaari nating maisama sa ating mga programa sa populasyon at pag-unlad.