Pinangangambahang mawawalan ng hanapbuhay ang aabot sa kalahating milyong mangingisda dahil sa planong Laguna Lake Expressway Dike project ng gobyerno, ayon sa grupong Progresibong Alyansa ng mga Mangingisda.

Ayon sa miyembro ng grupo na si Jaime Evangelista, sa kabila ng umiiral na Republic Act 10654, o ang batas na nag-aamyenda sa Fisheries Code na nagbibigay-proteksyon sa mga mangingisda, ay nagawa pa ring umpisahan ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang unang bahagi ng nabanggit na proyekto.

“Hindi namin alam kung gobyerno na rin ang may pakana ng mga predator sa lawa. Siguro para kumaunti ang mangingisda, dahil kakaunti na ang huli. At puwede na naming isakripisyo pero dahil sa maraming walang trabaho, mas dumami pa po ang mangingisda,” sabi ni Evangelista.

Una nang inihayag ng gobyerno na layunin ng naturang expressway-dike na masakop ang 700-ektaryang lupain mula Taguig City hanggang Muntinlupa City upang mabawasan ang panganib sa pagbabaha at umigsi ang oras ng biyahe mula sa Bicutan hanggang sa Los Baños sa Laguna. Layunin din umano ng proyekto na mapaliit ang average annual flood damage na P8.1 bilyon.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Reklamo ni Evangelista, lalong kakaunti ang huli ng mga mangingisda kapag nilagyan ng 15-metrong harang ang lawa na magsisilbing expressway.

“Sana pag-isipan nila ‘yan (expressway-dike project), dahil hindi nila kami kinonsulta,” giit ni Evangelista.

Kaugnay nito, nanawagan ang grupo sa mga kandidato na pagtuunan ng pansin ang sektor ng pangingisda, para na rin sa kanilang kapakanan. (Rommel P. Tabbad)