KUNG minsan, kapag naiisip ko ang pagreretiro, nakikita ko ang aking sarili na naglalakad sa aming bakuran at namimitas ng gulay at prutas, o kaya ay naglalakad habang palubog ang araw.

Napakabata ko pa upang magretiro sa negosyo at pulitika ngunit ganito ang larawang nakikita ko sa aking pagmumuni-muni, marahil dahil sa katahimikang iniaalok ng pagsasaka na taliwas sa napakabilis na takbo ng buhay.

Kamakailan, masasabi kong nagkatotoo ang ideya ng pagreretiro sa bukid, dahil sa aking maybahay, si Senador Cynthia Villar.

Binuksan noong isang taon ng Villar Social Institute for Poverty Alleviation and Governance (SIPAG) ang SIPAG Urban Farm School sa Barangay San Nicolas-1 sa Bacoor, Cavite.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang paaralang ito ay nagtuturo sa mga interesado sa pagtatanim at pag-aalaga ng mga gulay at iba pang mamahaling pananim.

Sa pagbubukas pa lamang ng paaralan ay umabot na sa 200 ang pumasok, karamihan ay galing sa Las Piñas at mga karatig-lugar sa Cavite. Katuwang namin sa programang ito ang SM Foundation.

Naniniwala ako na mahalaga ang nasabing proyekto sa gitna ng pagkaunti ng mga estudyanteng kumukuha ng kurso sa agrikultura, na banta naman sa sektor ng agrikultura at seguridad sa pagkain.

Dahil nga sa pagdalang ng ating mga magsasaka, hindi kataka-taka na kailangan nating umangkat ng mga produktong pang-agrikultura, na dati ay tayo ang nagtatanim.

Ayon kay Cynthia, ang SIPAG Urban Farm School ay magiging pangunahing destinasyon sa turismo sa Pilipinas, o ang tinatawag na agri-tourism. Malaki ang ginagawa niya upang matupad ang pangarap na ito.

Noong Hunyo 2015, naglakbay kami sa Taiwan at binisita ang Golden Town Farm Zone, Young Lake Resort, Miel High Café and Leisure Farm, Da-Hu Strawberry Winery, Flying Cow Ranch, Dream Works of the Mei, Taomi Eco-Village, Paper Dome, at Taipei Agricultural Products Marketing Corp.

Humanga ako sa malayong pananaw ng Taiwan sa larangan ng agri-tourism, at naniniwala akong kaya rin itong gawin ng Pilipinas.

Ang karanasan namin sa Taiwan ang nagtulak kay Cynthia na isulong ang Senate Bill 3002 o “An Act providing for the development and promotion of farm tourism in the Philippines and for other purposes.” Pumasa na ito sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Tama si Cynthia sa pagsasabing ang mga field trip ng mga estudyante ay dapat nakatuon sa mga destinasyong agri-tourism. Ito ang mabisang paraan upang sa murang gulang pa lamang ay maunawaan na at makita ang kabataang Pilipino ang kagandahan ng kanilang bayan.

Hangad namin na sa malapit na hinaharap ay maging isang matagumpay na agri-tourism destination ang Villar SIPAG Farm School. (Manny Villar)