Hindi maiwasang maluha ni Paralympian Josephine Medina sa paglahok at pagnanais na makibahagi sa makasaysayang 5th PSC Philspada National Para Games na nagtala ng record attendance na sinimulan kahapon sa tradisyunal na parada ng mga atleta kahapon, sa Marikina Sports Park sa Marikina City.
“Nakakakataas po ng morale na makita sila na masaya at nakikipaglaro sa kanilang kapwa atleta,” sabi ni Medina, nagbasa ng ‘Oath of Sportsmanship’ para sa kabuuang 642 kalahok tampok ang 490 lalaki at 99 babaeng atleta kasama ang 98 opisyal.
Si Medina ay magbabalik sa kanyang ikalawang sunod na ParaLympics matapos pumang-apat sa nakaraang 2012 London Olympics.
Makakasama ni Medina sina Adeline Dumapong-Ancheta sa power lifting, Ernie Gawilan sa swimming, Jerrold Peter Mangliwan at Andy Avellana sa athletics na nagkuwalipika na sa 2016 Paralympics sa Rio de Janeiro sa Setyembre 7-18.
“Aabot tayo sa mahigit na 700 dahil hindi pa dumarating iyong mga sumali sa eliminations sa kanilang probinsiya,” sabi ni Philspada executive director Dennis Esta.
Nauna nang isinagawa ang eliminasyon sa boccia, chess at wheelchair basketball, habang isasagawa ngayon ang halos lahat ng sports na binubuo ng athletics, swimming, badminton, powerlifting, goal ball, table tennis at tenpin bowling.
Pinakamaraming lahok ang ACSA PWD ng Antipolo na may 51 atleta, kasunod ang Cainta Rizal IV-A na may 50 atleta.
Ikatlo ang Quezon City-NCR na may 38, habang may 30 kasali ang Davao Del Norte at ang Davao City na may ipinadalang 28.
Sa kabuuan, 135 atleta na nasa wheelchair, 61 ang visually impaired, 48 ang Intellectually Disability, 41 ang Cerebral Palsy, 59 ang Deaf at 186 ang Orthopedically Handicapped.
Hindi naman nagsidating ang mga inaasahang panauhing pandangal sa aktibidad kaya napilitan na lamang ang mga nag-organisa na magtakda ng mga opisyal na siyang magsasagawa ng seremonya. (ANGIE OREDO)