pacdog copy

LOS ANGELES – Kung nagsisimulang umatras ang sponsorship kay Manny Pacquiao dahil sa negatibong reaksyon sa kanyang naging pahayag na ikinaimbyerna ng LGBT community, ang kanyang pamosong alaga na si ‘Pacdog’ ay nagsisimula namang humakot ng atensiyon.

Ang asong Jack Rusell Terrier ni Pacman ay nakatakda umanong maging endorser ng isang dog food company sa US.

Ayon kay Jun Aquino, personal artist ng eight-division world champion, nakatakdang lumagda ng kontrata si ‘Pacdog’.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“He is a natural entertainer. He is trained and he knows how to interact with people,” sambit ni Mike Quidilla, official photographer ni Pacman.

Nagsimulang makasama ng People’s champion ang naturang aso sa kanyang ensayo sa Griffith Park mula pa noong 2008.

Sa kanyang paghahanda para sa ikatlong laban kay Timothy Bradley, Jr. muling nasilayan ng publiko ang pamosong ‘Pacdog’. Kasama ito sa running training ng Pacman Team, gayundin sa lahat ng public appearance ng kampeon sa US.

“Challenge sa akin ang aking alaga. Kung ito nga masipag magtatakbo, ako pa kaya. Siya rin ang challenge sa iba kong kasama,” sambit ni Pacman.

Tangan ni Pacquiao (57-6-2, 38 KO’s), ang bilis at lakas na inaasahang magbibigay sa kanya ng panalo laban kay Bradley.

Mismong si trainer Freddie Roach ang nagpatunay na nagbalik na ang pamatay na suntok ni Pacman at kung magnanais pa rin ang Pinoy champ na lumaban sa lona matapos ang Barley fight kayang-kaya pa ng kampeon.

“He can still fight up to two to three more fights,” sambit ni Roach.

Nauna nang naipahayag ni Pacquiao na huli na niyang laban si Bradley dahil nais niyang mag-focus sa kanyang magiging responsibilidad bilang mambabatas. Tatakbo si Pacquiao bilang Senador sa gaganaping halalan sa Mayo 9.

“Napatunayan na natin yung galing natin sa boxing. Siguro panahon na para naman patunayan natin yung husay natin sa serbisyo publiko,” sambit ni Pacman.

Nakatakda ang duwelo ni Pacman kay Bradley (33-1-1, 13 KO’s) sa Abril 9 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.

(Robbie Pangilinan)