Hindi pinaboran ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang apela ng dalawang apo ni yumaong Maguindanao Gov. Andal Ampatuan, Sr. na baligtarin ang una nitong desisyon na huwag payagang makapagpiyansa ang mga ito sa kaso kaugnay ng pagpatay sa 57 katao noong Nobyembre 23, 2009.
Sa tatlong-pahinang kautusan, sinopla ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng QC RTC Branch 221 ang motion for reconsideration na inihain ni Datu Anwar Ampatuan, Jr., alyas “Datu Ipi”; at Datu Sajid Anwar Ampatuan, Jr., alyas “Datu Ulo”, dahil sa kakulangan ng merito.
Enero 20, 2016 nang unang ibinasura ni Reyes ang bail petition ng dalawang akusado dahil may malakas na ebidensiya laban sa mga ito.
Subalit iginiit nina Ipi at Ulo na mahina ang testimonya ng mga testigo na hawak ng prosekusyon laban sa kanila.
Anila, ang tanging testimonya na pinanghahawakan ng prosekusyon ay mula kay Lakmodin Saliao na nagsabing nakita nito si Datu Ulo sa isang pulong noong Nobyembre 17, 2009, o limang araw bago nangyari ang massacre.
Sa pagbasura sa MR na inihain nina Ipi at Ulo, ipinaliwanag ni Reyes na walang sapat na basehan upang baligtarin ng korte ang una nitong kautusan na inilabas hinggil sa hirit na makapagpiyansa ng mga akusado. (Chito Chavez)