GUSTO sana naming i-blind item ang aktor na topic namin pero mas mabuting pangalanan na lang para maging aware siya lalo’t ikinukumpara siya sa ibang aktor.
Marami pala ang nakakapansin kay Matteo Guidicelli kung paano niya akbayan na parang ‘pare’ lang niya si Sarah Geronimo.
“That’s not the way to treat a girl in public, ‘yung aakbayan mo na parang tambay lang sa kanto,” puna ng isang kilalang talent manager. “Di ba, hindi magandang tingnan? Feeling ko naman, hindi aware si Matteo kasi wala lang sa kanya at si Sarah naman siguro hindi naman niya alam ‘yung tamang pag-handle ng girlfriend, eh, kasi nga, di ba?”
Hmmm, may punto ang kausap naming manager, pero siguro ganoon lang talaga ang binatang aktor at ‘yun ang way niya para ipagsigawan sa lahat na, ‘she’s mine’.
Pero in fairness kay Matteo, napaka-gentleman niya as in at marespeto sa lahat at hindi namimili ng kausap.
Kaya lang, ikinukumpara si Matteo kay James Reid na napakasuwabe raw alalayan, hawakan o tratuhin ang girlfriend naman nitong si Nadine Lustre in private man o sa public places.
Napansin na rin namin ang Aussie boy na napakaingat kumilos kapag inaasikaso o kasabay lumakad si Nadine.
Nakikita rin namin ang mga litratong naka-post sa social media na kuha sa unguarded moments ng dalawa habang namamasyal sa ibang bansa, madalas nakahawak si James sa braso ni Nadine o kaya sa may bandang baywang, siko, likod o holding hands para alalayan ang dalaga. At kapag nakahinto ay magkadikit lang sila, hindi nakaakbay.
Si Robin Padilla ang naaalala namin sa trato ni James sa babae. Hanggang ngayon, kapag naglalakad sila ni Mariel Rodriguez ay holding hands sila at never din naming nakitang nakaakbay siya sa misis niya.
Old school kasi si Robin pagdating sa babae at ganito rin ang nakikita namin kay James.
At dahil nabibilang din kami sa makalumang panahon, agree kami sa puna ng talent manager na mas gusto niya ang suwabeng trato ni James kay Nadine kumpara sa “pare-pare” treatment ni Matteo kay Sarah. (REGGEE BONOAN)