Kasunod ng pangkalahatang pagbabawal sa maingay na pangangampanya, nagbabala si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na aarestuhin at pagmumultahin ang mga mahuhuling umiinom ng alak at nagsasasaya sa kalye sa lungsod.

Inaasahan na ang talamak na pag-inom ng alak sa harapan ng mga tindahan, bangketa at plaza lalo na ngayong nag-umpisa na ang pangangampanya ng mga lokal na kandidato para sa eleksiyon sa Mayo 9.

Alinsunod sa ordinansa na ipinasa noong Nobyembre 2015, napagpasyahan ng konseho ang nakalipas na hakbangin matapos mabatid na kahit umiiral na ang batas laban sa pag-inom ng alak sa kalye ay marami pa rin ang lumalabag dito.

Tinukoy na pampublikong lugar na ipinagbabawal ang inuman ang mga kalsada, kalye, daanan, bangketa, sports complex, parke, bisinidad ng simbahan at eskuwelahan.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Ayon sa datos ng Parañaque City Police, halos 60% ng araw-araw na naitatalang krimen ay kinasasangkutan ng lasing, habang 50% ay dahil sa inuman sa pampublikong lugar.

Sa ilalim ng nirepasong panukala, ang unang paglabag ay may multang P500 o pagkakakulong ng limang araw, multang P1,000 at 10-araw na pagkakakulong sa ikalawa, at multang P2,500 at 30-araw na pagkakapiit sa ikatlo. (Bella Gamotea)