Nagsalita na sina Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas at Archbishop Emeritus Oscar Cruz laban sa mga nagiging pahayag ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte tungkol sa paraan nito ng pamumuno kung sakaling mahahalal bilang susunod na pangulo ng bansa.

Sa huling debate ng Commission on Elections (Comelec) sa Cebu, sinabi ni Duterte na “kailangang pumatay ng pangulo upang maging epektibong pinuno ng bansa.” Kadikit ito ng naunang pahayag ni Duterte na “lalago ang negosyo ng punerarya sa Pilipinas” kapag nanalo siya, dahil posibleng marami siyang mapatay upang ang lahat ay sumunod sa batas.

“Ang kailangan ng mundo ngayon ay pamumuno ng magandang ehemplo, o leadership by example,” saad sa pahayag ni Villegas sa website ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).

“Marami tayong magagaling na lider sa gobyerno at mas marami pang ginugustong umupo sa puwesto, ngunit ilan sa kanila ang dapat tularan ng mamamayan?” tanong niya. 

National

Hontiveros, nauunawaan ilang senador na binawi ang pirma sa Adolescent Pregnancy Bill

Sinabi ni Villegas na kurapsiyon ang malalang sakit ng pulitika sa Pilipinas, ngunit ang mukha ng kurapsiyon na kinasanayan natin ay pagnanakaw o pangungulimbat mula sa kaban ng bayan. 

Binanatan din ni Archbishop Villegas ang ‘tila pagbibida pa ni Duterte sa pambababae nito.

“Ang pakikiapid ay kurapsiyon. Ginagawa nitong walang halaga ang pagiging mag-asawa at ginagamit ang mga tao para lamang sa tawag ng laman,” batikos ng arsobispo. 

Para naman kay Archbishop Emeritus Oscar Cruz, “delikado” para sa bayan si Duterte at “mas malala ito sa diktador na minsan nang nagpairal sa kamay na bakal sa bansa.” (Beth Camia)