NAPATUNAYAN sa nakapanghihilakbot na suicide bombing sa siyudad ng Lahore nitong Linggo ng Pagkabuhay kung paanong naging madali para sa mga militanteng Islam na puntiryahin ang Kristiyanong minorya sa Pakistan, bagamat may mga Muslim din na nabiktima.
Nasa halos 2.5 milyon ang Kristiyano sa bansang mayorya ng 180 milyong mamamayan ay Muslim, at nangangamba sila ngayon na palabasin ng bahay ang kani-kanilang anak, at hindi na rin ligtas para sa kanila maging ang pagpunta sa simbahan.
“It is very fearful living in your own country ... when you are attacked by fanatics in your own home,” sabi ni Rev. Riaz Arif ng Lahore, idinagdag na hangad ng radikal na grupo ng mga Muslim na maghiganti dahil sa umano’y matinding galit sa mga ito ng mga bansang Kristiyano sa Kanluran.
Sa nakalipas na mga siglo, naging bahagi ang mga Kristiyano ng Pakistan. May mga tanyag na Kristiyanong Pakistan, gaya ni A.R. Cornelius, ang unang hindi Muslim na punong mahistrado ng Korte Suprema ng Pakistan, at mayroon ding mga pulitiko, educator, manggagamot, at piloto ng mga fighter jet. Ngunit karaniwan nang kabilang sa pinakamahihirap ang mga Kristiyano, na nag-ugat sa relihiyong Hindu. Nang maihiwalay ang Pakistan mula sa India noong 1947, maraming Dalats, o mababang uri ng mga Hindu, sa Pakistan ang nagpabinyag sa Kristiyano. Nang suportahan ang Islamic militancy laban sa puwersang Soviet sa Afghanistan, naging dominante na ang mga militanteng ito at pinuntirya ang mga minorya, partikular na ang mga Kristiyano.
Kalaunan, naging madalas na ang mga pag-atake sa komunidad ng mga Kristiyano, at may mga ulat din ng sapilitang pagko-convert sa kabataang babae para maging Muslim. Itinuring ng mga radikal na Muslim extremist group na kaalyado ng Kanluran ang mga Kristiyano, at bagamat inaatake ng pinakamararahas na militanteng grupo sa Pakistan ang isa’t isa, lagi silang magkakampi laban sa mga Kristiyano. Sa katunayan, ang alyansa ng mga grupong Taliban na Tehrek-e-Taliban Pakistan ay patikular na mga Kristiyano lamang ang puntirya.
Ang pambobomba sa Lahore nitong Linggo ay isinagawa ng isang grupong tumiwalag sa Taliban na nagsabing isa itong paghihiganti sa opensiba ng militar sa North Waziristan na nagsimula noong 2014. Mga Kristiyano rin ang puntirya ng mga grupong gaya ng Lashkar-e-Jhangvi, isang mapanganib na grupong kontra Shiite; ng Jamaat-ud-Dawa, na kilala rin bilang ang grupong terorista na Lashkar-e-Taiba; at ng militanteng grupong Sunni na Sipah-e-Sahaba.
Batay sa datos, kabilang sa mga pag-atake laban sa mga Kristiyano ang pamamaril sa isang multidenominational church at pagpapasabog ng granada sa isang ospital sa Islamabad noong 2002 na ikinamatay ng siyam na katao, kabilang ang dalawang Amerikano. Tatlong simbahan ang winasak noong 2005; sinunog ang may 60 bahay sa Gorja noong 2009 na ikinasawi ng anim na Kristiyano; at apat na simbahan ang inatake noong 2010, pawang sa Eastern Punjab.
Taong 2011 naman nang patayin ng armadong kalalakihan ang prominenteng Kristiyanong pulitiko na si Shahbaz Bhatti sa Islamabad; 85 Kristiyano ang pinatay ng mga nakasuot ng suicide vest sa Peshawar noong 2013; sinilaban ng mga grupong Muslim ang nasa 200 bahay ng mga Kristiyano sa Joseph Colony sa Eastern Lahore noong 2013; at dalawang simbahan sa Eastern Lahore ang pinasok ng dalawang suicide bomber na ikinamatay ng 15 mananampalataya noong 2015.
(Associated Press)