Robert de Niro copy

NEW YORK (AP) – Aalisin na ni Robert De Niro ang anti-vaccination documentary na Vaxxed mula sa line up ng kanyang Tribeca Film Festival, isang araw matapos niyang idepensa ang pagkakasama nito.

Nakatakdang maging bahagi ang Vaxxed: From Cover-up to Conspiracy sa pagbubukas ng film festival sa susunod na buwan. Naging kontrobersiyal ang pagkakasama sa film festival ng pelikula ng anti-vaccination activist na si Andrew Wakefield, dahil napabulaanan ang argumento ni Wakefield na ang bakuna laban sa tigdas, beke, at rubella ay may kaugnayan sa autism.

Matapos idepensa nitong Biyernes ni Robert ang desisyon niyang isama ang pelikula sa filmfest, naglabas siya ng pahayag nitong Sabado na binabawi niya ang kanyang desisyon.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

May anak na autistic, sinabi ni Robert na umaasa siyang magkakaroon ng oportunidad para matalakay ang usapin “that is deeply personal to me and my family”.

Gayunman, sinabi ni Robert na sinuri niya at ng mga Tribeca organizer ang pelikula at idinagdag na, “We do not believe it contributes to or furthers the discussion I had hoped for.”

Ayon kay Robert, kasama rin niyang nagrebyu sa pelikula ang mga miyembro ng scientific community.

“The festival doesn’t seek to avoid or shy away from controversy. However, we have concerns with certain things in this film that we feel prevent us from presenting it in the festival program,” dagdag ni Robert.

Sa pahayag naman ni Wakefield at ng producer ng pelikula na si Del Bigtree, binatikos nila ang naging desisyon ni Robert, iginiit na hindi sila nabigyan ng pagkakataon upang idepensa ang kanilang sarili laban sa mga kritiko ng pelikula.

“We have just witnessed yet another example of the power of corporate interests censoring free speech, art and truth,” saad sa pahayag ni Wakefield. “Tribeca’s action will not succeed in denying the world access to the truth behind the film Vaxxed.”

Ayon sa report ng New York Times, binawian ng medical license si Wakefield nang ilathala niya sa British medical journal na The Lancet ang kanyang pag-aaral tungkol sa bakuna, ngunit kalaunan ay binawi rin ito noong 2010.

Magbubukas sa Abril 13 ang Tribeca Film Festival, at tatagal hanggang Abril 24.