INAKO ng Islamic State, isang grupong jihadist na nakikipaglaban sa pagkubkob sa Syria at Iraq para sa sinumpaang layunin na magtatatag ng isang pandaigdigang Muslim caliphate, ang mga pag-atake sa Brussels na pumatay sa mahigit 30 inosenteng tao. Ang nabanggit na grupo rin ang responsable sa mga pag-atake sa Paris, France noong Nobyembre ng nakaraang taon, na ikinasawi ng 130 katao.
Nagsagawa ng mga pag-atake ang “soldiers of the caliphate” laban sa “crusader state” ng Belgium, ayon sa Islamic State. Malinaw na tinutukoy ng mga umatake sa Brussels ang mga krusada noong ika-11 at ika-15 siglo, nang makipaglaban ang mga sundalo ng Kristiyanong Europa sa mga armadong Muslim para pangasiwaan ang Holy Land.
Dahil sa relihiyosong anggulo na ito, higit na nagiging kumplikado ang sitwasyon ngayon sa Europa. Ngunit kahit wala ito, ang mismong gawaing terorismo ay kumplikado na at nagdudulot ng problema sa mga pinuno ng mga bansa sa Kanluran na malinaw namang puntirya ng mga teroristang pag-atake. Sa United States, nagsimula na nitong mapaghati-hati ang mga opisyal ng bansa, at sinabi ng pangunahing kandidato ng Republican sa pagkapresidente na si Donald Trump na naiwasan sana ng mga awtoridad sa Brussels ang mga pag-atake nitong Martes kung pinahirapan ng mga ito ang mga suspek na una nang nadakip. Nanawagan naman ang isa pang kandidatong Republican, si Senator Ted Cruz, sa Unites States enforcement authorities “to patrol and secure Muslim neighbourhoods before they become radicalized”. Agad namang kinontra ni President Barack Obama ang mga Republican leader, iginiit na ang iminumungkahi ng mga ito “is not only wrong; it is dangerous.”
Naninindigan ang Amerika at ang iba pang bansa sa Kanluran sa pagpapahalaga sa demokrasya, gaya ng pagturing na inosente ang isang pinaghihinalaan hanggang napatunayang nagkasala. Makatao ang trato sa mga bilanggo. Ngunit sa harap ng terorismo sa Europa, iminungkahi ni Trump ang pagpapahirap para mapaamin ang mga nadakip na suspek, habang nais naman ni Cruz na masusing tugaygayan ng mga pulis sa Amerika ang mga Muslim. Nangako naman ang European Union, na ikinokonsiderang kabisera nito ang Brussells, Belgium, na ipagtatanggol ang demokrasya at lalabanan ang terorismo “with all necessary means.”
Posibleng masaksihan ng mundo ang mas marami pang mga pag-atake sa mga susunod na linggo at buwan. Masusubukan ang husay ng awtoridad at kakailanganing magbalanse sa pagpapatupad sa kahalagahan ng demokrasya at pagdakip sa mga terorista. Naglunsad na ng mga pag-atake sa Europa, at matindi ang pagsubaybay ng Amerika sa mga siyudad nito, partikular na sa New York at Washington, DC.
Ipagdasal natin na hindi umabot sa ating baybayin ang epidemya ng terorismo, ngunit mahalaga rin na ngayon pa lamang ay maghanda na ang ating mga opisyal sa mga ganitong insidente, nang hindi malalagay sa alanganin ang sarili nating pagpapahalaga sa demokrasya at sa sangkatauhan.