LAHORE, Pakistan (AFP) — Mga Kristiyano ang target ng Taliban suicide bomber na umatake sa isang Pakistani park na puno ng mga nagsasayang pamilya, sinabi ng grupo nitong Lunes, sa pag-akyat ng bilang ng mga namatay sa 72, at halos kalahati ay mga bata.
Mahigit 200 katao ang nasugatan sa pagpasabog malapit sa children’s play area sa parke sa Lahore, kung saan nagtitipon ang marami para sa ipagdiwang ang Easter.
“We carried out the Lahore attack as Christians are our target,” sinabi ni Ehansullah Ehsan, tagapagsalita ng mga rebeldeng Jamaat-ul-Ahrar faction ng Tehreek-e-Taliban Pakistan (TTP), sa AFP sa pamamagitan ng telepono mula sa hindi binanggit na lokasyon.
Nagbanta siya ng mas marami pang ganitong pag-atake, na pupuntiryahin ang mga eskuwelahan at kolehiyo gayundin ang mga pag-aari ng gobyerno at militar.
Ito ang pinakamadugong pag-atake sa ngayong taon sa bansa na tila nasanay na sa mga masaker, at lalong magdidiin sa pagkakahati ng bansang Muslim.
Inilarawan ng mga saksi ang sigawan ng mga bata habang binubuhat ng mga tao ang mga sugatan at tarantang pinaghahahanap ng mga kamag-anak ang kanilang mga mahal sa buhay.
“We had gone to the park to enjoy the Easter holiday. There was a blast suddenly, I saw a huge ball of fire and four to six people of my family are injured. Two of them critical,” sabi ng 53- anyos na si Arif Gill sa AFP.
Inihayag ni rescue spokeswoman Deeba Shahbaz na umakyat na sa 72 ang bilang ng mga namatay nitong Lunes, at 29 sa mga ito ay bata. Kinumpirma ito ni senior police official Haider Ashraf, idinagdag na karamihan ay Muslim.
“Everybody goes to this park,” aniya.
Sinabi ni Lahore top administration official Muhammad Usman na ang bomber “blew himself up near the kids’ playing area where kids were on the swings”.
Bukas ang mga paaralan at iba pang opisina ng pamahalaan, ngunit idineklara ang tatlong araw na pagluluksa sa Punjab province, na ang kabisera ay Lahore, sinabi ni commissioner Abdullah Sumbal.
Nagpahayag si Pakistani Prime Minister Nawaz Sharif ng “grief and sorrow over the sad demise of innocent lives”.
Kinondena ng Vatican ang pag-atake na tinawag nitong “fanatical violence against Christian minorities,” habang nanawagan si UN Secretary General Ban Ki-moon sa Islamabad na protektahan ang religious minorities.