Naisip n’yo ba ang posibilidad na may mas matindi pang epekto sa tao ang traffic bukod sa pagkabuwisit?

Bukod sa nagdudulot ng bad mood sa mga commuter, ibinunyag ng Philippine Society of Endocrinology, Diabetes, and Metabolism (PSEDM) na maaari ring nakapag-aambag ang trapiko sa pagdami ng kaso ng diabetes sa Pilipinas.

“Traffic is something that is not only affecting our productivity but also, in terms of health, it has a big effect on us,” sabi ni PSEDM fellow Dr. Ma. Cecille Añonuevo-Cruz.

Sa nakalipas na mga buwan, naging malaking problema ng maraming motorista at commuter ang traffic, hindi lang sa EDSA kundi maging sa iba pang pangunahing kalsada sa Metro Manila.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sinabi ni Cruz na nagdudulot ng matinding stress sa publiko ang trapiko at nagreresulta ito sa pagtaas ng stress hormones.

“Stress hormones are regulatory to how our body would regulate sugar. And that would again cause increase in our blood sugar,” paliwanag ni Cruz.

Bukod dito, aniya, dahil sa labis na pagkapagod ng publiko sa traffic ay nawawalan na ng panahong mag-ehersisyo.

Gayundin, ang maraming oras na ginugugol ng tao sa pagkakaipit sa trapiko ay nakababawas sa panahon sana ng pamamahinga.

Dagdag pa niya, sa kakapusan ng oras ay nalilimitahan na rin ang food choices ng mga commuter at motorista, kaya karaniwang napapakain na lang sa mga fast food restaurant.

Batay sa mga naunang report, isa na ang Pilipinas sa itinuturing na “diabetes hotspot” sa tinatayang 7.3 milyong Pilipino na apektado na ng sakit na ito. Sa mundo, may 382 milyong katao—o 8.3 porsiyento ng kabuuang adult population sa daigdig—ang may diabetes.

Pagsapit ng 2035, tinatayang aabot na sa mahigit 592 milyong katao sa mundo ang apektado ng iabetes.

(Charina Clarisse L. Echaluce)