Matapos ang ilang buwan ng pagiging tikom sa kanyang mamanukin sa eleksiyon sa Mayo 9, nagsalita na kahapon si dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na si Senator Grace Poe ang kanyang susuportahang kandidato sa pagkapangulo.
Sa bonggang proclamation rally sa Liwasang Bonifacio na dinaluhan ng mahigit 40,000 tagasuporta, sinabi ni Estrada na susuportahan niya ang kandidatura ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., anak ng dating diktador na si Ferdinand Edralin Marcos, na tumatakbo sa pagka-bise presidente.
Isinagawa ang rally ng partido ni Estrada, na muling puntirya ang pagkaalkalde ng Maynila, sa makasaysayang Liwasang Bonifacio na ilang kilometro lamang ang layo sa Plaza Miranda sa Quiapo, na roon naman ginanap ang proclamation rally ng katunggali ni Estrada sa pagkaalkalde na si dating Manila Mayor Alfredo Lim.
Matandaan na ilang beses inamin ni Estrada na nahihirapan siya na pumili kung sino ang mamanukin sa pagkapangulo sa pagitan ni Poe at ng kanyang kaibigan na si Vice President Jejomar C. Binay.
Bagamat itinuturing niya na kapwa malapit sa kanyang puso sina Binay at Poe, aminado rin ang dating aktor na mas malalim ang pinagsamahan nila ng yumaong ama ng huli na si Fernando Poe Jr.
Inaasahan ng kampo ni Estrada na makahahatak ng apat hanggang limang milyong boto para kay Poe ang kanyang pormal na pagdedeklara ng suporta sa senadora.
Ipinakilala rin sa proclamation rally ni Erap ang kanyang senatorial line up na kinabibilangan nina Panfilo Lacson, Neri Colmenares, Francis Tolentino, Sherwin Gatchalian, Joel Villanueva, Martin Romualdez, Chief Supt. Getulio Napeñas, Manny Pacquiao, Richard Gordon, Miguel Zubiri, Manila Vice Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, at Senator Serge Osmeña. (JENNY F. MANONGDO)