SA kabila ng desisyon ng Korte Suprema na ang Enhanced Deployment and Cooperation Agreement (EDCA) ay hindi lumalabag sa Konstitusyon, hindi pa rin humuhupa ang mga pagbatikos sa naturang kasunduan na nilagdaan ng US at PH governments. Lalo pa yatang tumitindi ang mga pagtutol ng mga militante at iba pang grupong makabayan sa paminsan-minsang paglulunsad sa bansa ng magkasanib na military exercises na nilalahukan ng mga sundalong Amerikano at Pilipino.

Adhikain ng kasunduan na patatagin umano ang relasyon ng dalawang magkaalyadong bansa at pag-ibayuhin ang seguridad ng sambayanan laban sa mga naghahasik ng pagkakawatak-watak ng mga bansa sa Asian region. Kabilang na marahil dito ang umiigting na pag-aagawan sa mga teritoryo na hanggang ngayon ay pinagtatalunan pa sa pangdaigdigang mga hukuman.

Taliwas ito sa paninindigan ng mga militante sa iba’t ibang sektor ng sambayanan, kabilang na ang ilang mambabatas. Lagi nilang ipinagdidiinan na ang pagbisita ng mga sundalong Kano ay maliwanag na panghihimasok sa mga gawaing panloob ng pamahalaang Pilipino at sa iba pang aktibidad ng mga mamamayan.

Magugunita na ang paniniwalang ito ang nagbunsod sa nabanggit na mga grupong makabayan at mga aktibista na magsanib-puwersa sa pagpapatalsik sa US bases sa Pilipinas. Noong 1992, mismong mga Senador ang nanguna sa pagpapatibay sa isang tratado upang tuluyang mapalayas sa ating bansa ang naturang mga dayuhang militar na nakahimpil sa Subic, Zambales at sa Clark airbase sa Pampanga.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Subalit hindi naglaon, inaprubahan din ng nakararaming Senador ang Visiting Forces Agreement (VFA) na nagpapahintulot sa US military forces na magsagawa sa bansa ng Balikatan Exercises na magiging katuwang ng ating mga sundalo sa pagpapakadalubhasa sa mga gawaing pang-kawal. At hindi rin nagtagal, idineklara rin ng Korte Suprema bilang constitutional ang EDCA na nagpapahintulot naman sa US na gamitin ang limang PH military base para sa konstruksiyon ng mga pasilidad na ilalaan sa humanitarian relief.

Hindi na dapat maging paksa ng mga pagtatalo ang ganitong makataong misyon ng pamahalaang Amerikano. Matagal na nating napatunayan ang pagsaklolo ng US sa makabuluhang pagdamay nito, lalo na sa pagsugpo sa mga karahasan sa Mindanao.

Hindi maitatatwa na ang tinaguriang US Big Brother ang nagiging kaagapay ng milyun-milyong Pinoy na hanggang ngayon ay maginhawang namumuhay sa America. Dapat manatiling magkabalikat ang US at PH sa makatuturang mga adhikain.

(CELO LAGMAY)