SA paghuhugas at paghalik sa mga paa ng mga Muslim, Christian at Hindu refugee noong Huwebes Santo, sa Castelnuevo de Porto, Italy, ipinamalas ni Pope Francis ang pambihirang pagmamahal sa mamamayan ng mundo kasabay ang paghahayag na lahat ng tao ay anak ng iisang Diyos.

Napapanahon ang pahayag ng Santo Papa lalo na ngayong tumitindi ang anti-Muslim sentiment o pagkagalit sa mga Muslim kasunod ng pagpapasabog ng ISIS sa Brussels (Belgium) at sa isang subway station doon, na maraming pasahero ang nadamay.

Maging ang mga lehitimong Muslim ay nagkondena sa karahasan ng ISIS na ikinamatay ng 34 na katao at ikinasugat ng mahigit 100. Sinabi ni Pope Francis na ang pamamaslang ng ISIS sa mga sibilyan na hindi naman mga combatant ay maliwanag na indikasyon ng pakikidigma, na kagagawan ng grupo ng mga taong hayok sa dugo at nakagapos sa industriya ng armas upang pumatay at manakit sa mga kapwa nilalang sa mundong ito.

Sumisigaw pa ang mga teroristang ISIS ng “Allahu Akbar” o Dakila ang Diyos gayong kung susuriing mabuti, hindi kailanman papayag si Allah, ang Diyos, si Yahweh, si Jehova (at iba pang pangalan ng Maykapal) na gamitin ang kanyang banal na pangalan sa paggawa ng mga karahasan at pagpatay upang isulong ang pagnanais nilang makapagtatag ng CALIPHATE sa buong daigdig.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa lumabas na istorya sa BALITA noong Sabado na may titulong “Pope Francis sa Muslim migrants: We are brothers”, ganito ang naging pahayag ng Santo Papa: “We have different cultures and religions. but we are brothers and we want to live in peace.” Ito, maliwanag, ay para sa mga bomber, at mga kasamahan nila, na sumalakay sa Brussels at subway station na ayon kay Lolo Kiko ay nais “wasakin ang pagkakapatiran ng sangkatauhan na kinakatawan ng mga migrante.”

***

Sa aking mga kababayan na nagdududa na baka hindi matuloy ang eleksiyon (No-El) o ito ay mabalam (Po-El), tiniyak ng Commission on Election (Comelec) at ng Smartmatic sa publiko na magkakaroon ng malinis at kapani-paniwalang halalan sa Mayo 9, 2016. Mr. James Jimenez, Comelec spokesperson, kung walang No-El at Po-El, tinitiyak din ba ninyo na hindi magkakaroon ng hokus-pokus ang PCOS machines?

Ilang beses ko nang naisulat na kapag si Mayor Rodrigo Duterte ang naging pangulo, baka magkaroon ang Pilipinas ng dalawang First Lady. Aminado siyang dalawa ang kanyang ginang at planong magreserba ng dalawang kuwarto sa Malacañang kapag pinalad na maging pangulo ng bansa. Gayunman, totohanin kaya ito ni Mayor Digong o ang pahayag na ito ay kabilang sa kanyang political gimmick, tulad ng paglutas sa kriminalidad sa bansa sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan? Na siya ay magbibitiw kapag hindi niya nasugpo ang illegal drugs, smuggling, at kurapsiyon sa naghihirap at nagdurusang Pilipinas?

Samantala, naisulat ko na rin na kapag si Sen. Grace Poe ang nahalal, siya ang kauna-unahang Pulot na magiging Punong Ehekutibo ng Pilipinas. Ito rin ang unang pagkakataon na magkakaroon ang bansa ng Amerikanong First Gentleman kapag hindi itinakwil ni Ginoong Neil Llamanzares ang pagiging isang US citizen. Abangan! (BERT DE GUZMAN)