SA presidential debate kamakailan, nang tanungin ng moderator ang mga nagdedebateng kandidato sa pagkapangulo kung sino ang pabor sa death penalty, may kanya-kanyang sagot ang apat na kandidato. Sina Mayor Duterte at Sen. Poe ang nagtaas ng kamay bilang pagsang-ayon, habang sina VP Binay at Sec. Roxas ay hindi sumang-ayon.
Sa naganap na debate, lumabas ang matibay na dahilan kung bakit dapat panigan sina VP Binay at Sec. Roxas.
Ipinagmalaki ni Duterte na walang krimen at droga sa Davao na matagal niyang pinamunuan, samantalang, aniya, sa ibang lugar sa bansa ay nagkalat ang droga kahit sa panahon ng panunungkulan ni Sec. Roxas sa DILG. Minaliit niya ang sinabi ni Roxas na nahuli naman ang mga kriminal at ngayon ay nakakulong na. Sa Davao, aniya, ay wala nang natira. Ang problema, buwelta ni Roxas, mga mahirap ang pinapatay ni Digong. Hindi sinagot ni Digong ang tanong sa kanya ni Roxas kung sinong mayaman ang kanyang napatay na. Mayroon nga kaya?
Sa kasaysayan ng ating bansa, mula nang ipatupad ang death penalty, ang alam ko lang na nabitay ay ang mga akusadong gumahasa sa isang sikat na aktres noon. Ang lahat ng mga sumunod ay mga dukha na. Hindi mo masasabi na ang mga ito ay may pagkakasala. Sila iyong niripresinta ng mga abogadong karamihan ay bigay ng korte. Sila iyong walang kakayahang bayaran ang gastos ng paglilitis. Eh, ang kaso, o kahit anong uri ng kaso, ay dinidesisyunan ayon sa ebidensiya. Kung ano ang interpretasyon ng hukom sa mga ebidensiyang pumasok sa panahon ng paglilitis ang mananaig sa pagresolba ng kaso.
Kaya, kapag pinairal ang death penalty, ang pinakamakapangyarihan sa sistema ng ating hustisya ay iyong mga pulis at piskal. Ang mga pulis ang nagkakalap ng ebidensiya. O kaya, sila ang nagtatanim ng ebidensiya. Kung ikaw ay masalapi, puwede mong bilhin sa pulis ang mga ebidensiyang magkakanulo sa iyo at ang mga ito ay hindi na niya ilalabas. Kung makarating sa piskal ang kaso, ganito rin ang mangyayari. Kadalasan, magkakasabwat ang pulis at piskal sa pagluto ng kaso.
Pagdating sa husgado, malaki rin ang kaibahan kung ikaw ay makuwarta. Lahat ng butas sa batas ay nakikita ng abogadong nag-aaral ng kanyang kaso. Bihirang abogado na hindi nabayaran nang wasto ang gumagawa nito. Sa madaling sabi, sasalain lamang ng sistema ng hustisya ang nali-lethal injection.
Ang dukha ang laging mabibiktima nito. Sa kasong droga, ang mabibitay ay ang nagbebenta lang nang patingi-tingi, hindi iyong gumagawa at bulto-bulto kung magkalat. (RIC VALMONTE)