Umapela si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim S. Jacinto-Henares sa mga kandidato sa pagkapangulo na huwag siyang gamitin sa mga political gimmick upang makaakit ng boto.

“Did I ask them to invite me to join their government or did I ever manifest or express any interest to extend my term? Never!” pahayag ni Henares.

Ayon kay Henares, siya ang unang mawawalan ng trabaho sa unang araw ng susunod na administrasyon.

Ito ay bilang reaksiyon sa pahayag ni Sen. Grace Poe sa Makati Business Club na kabilang si Henares sa mga opisyal ng administrasyong Aquino sa una niyang tatanggalin sa puwesto sakaling siya ay palarin na maupo sa Malacañang.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Nagbitaw din ng kahalintulad na pahayag si Vice President Jejomar C. Binay, standard bearer ng United Nationalist Alliance (UNA), nang humarap sa Chinese business community kamakailan.

Aminado ang BIR chief na marami siyang nakabanggang taxpayer dahil sa kanyang mahigpit na pagpapatupad ng batas sa pagbubuwis.

Kabilang dito ang mga doktor na inobliga ni Henares na magbayad ng buwis mula sa kanilang professional fee.

Ipinagmalaki rin ni Henares na inisyatibo niya ang paghahain ng tax evasion charges laban sa mga negosyante bagamat bukas ang mga ito na aregluhin ang kanilang administrative tax liabilities. (Jun Ramirez)