Ipauubaya ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague ang paghuhusga kung ang Itu Aba o Taiping ay isa lamang “rock” o, gaya ng ikinakatwiran ng Taiwan, ay kayang suportahan ang “human habitation and economic life” at maituturing na isla sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea, at pagkakalooban ng 200-nautical mile exclusive economic zone.
Sa isang pahayag na inilabas nitong Linggo, sinabi ni Department Foreign Affairs spokesperson Charles Jose na hiniling na ng gobyerno ng Pilipinas sa UN-backed Arbitral Tribunal na tukuyin ang nature and character ng iba’t ibang features sa South China Sea.
“We leave it to the tribunal to make that determination,” ani Jose.
Ito ang reaksiyon ng DFA official sa deklarasyon ni Taiwanese President Ma Ying-jeou na nagsasabing groundless at walang merito ang mga pahayag ng gobyerno ng Pilipinas sa international arbitration tribunal na ang Itu Aba ay isa lamang bato.
“Taiping Island can sustain human habitation, has an economic life of its own and fully meets the definition of an island as laid out in Article 121 of the UN Convention on the Law of the Sea,” pahayag ni President Ma sa mga miyembro ng international media sa Air Force Songshan Base Command ng Taiwan kamakailan. (Roy Mabasa)