TINULIGSA ni Pope Francis nitong Linggo ang “rejection” sa mga refugee matapos masaksihan ng European migrant crisis ang huling tanawin ng desperasyon sa hangganan ng Greece sa Macedonia.
Ginamit ng Santo Papa ang kanyang mensahe nitong Linggo ng Pagkabuhay upang himukin ang sangkatauhan na magkaloob ng “welcome and assistance” sa mga lumilikas mula sa digmaan at kahirapan, habang namumroblema ang Europa sa pinakamatindi nitong krisis sa mga migrante simula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Pinanindigan naman ng mga bansa sa “Balkan route” ng Europa ang posisyon nito tungkol sa mga migrante sa nakalipas na mga linggo, isinara ang mga hangganan sa mga nais na pumasok sa rehiyon upang magsimula ng panibagong buhay sa pagkupkop ng mas mayayamang estado sa hilagang bahagi ng kontinente.
Dahil dito, na-stranded ang refugees sa hangganang Greece-Macedonia, habang sinisikap ng mga awtoridad ng Greece na ilikas ang nasa 11,500 kataong naipit sa napabayaang kampo ng Idomeni.
Ngunit nitong Linggo, dose-dosenang migranteng nagsialis na ang bumalik sa kampo kasunod ng kumalat na balitang tutulungan silang maitawid ng mga mamamahayag at ng mga opisyal ng Red Cross patungong Macedonia.
Noong unang bahagi ng buwang ito ay nagkaroon ng kasunduan ang European Union at ang Turkey na pabalikin sa huli ang mga migranteng magsisidating sa mga isla ng Greece, upang makumbinse silang delikado ang pagtawid sa dagat.
Sa misa nitong Biyernes Santo, binatikos ni Pope Francis ang tinawag niyang “indifferent and anaesthetised conscience” ng Europa sa mga migrante, at nitong Linggo ay muli niyang nabanggit ang usapin.
“The Easter message of the risen Christ... invites us not to forget those men and women seeking a better future, an ever more numerous throng of migrants and refugees... fleeing from war, hunger, poverty and social injustice,” anang Santo Papa.
Matagal nang nananawagan ni Pope Francis sa pandaigdigang komunidad na buksan ang pintuan nito sa mga refugee at talikuran ang deskriminasyon sa mga dayuhan o may ibang pananampalataya.
Sa kanyang mensahe nitong Linggo ng Pagkabuhay, sinambit din ng Santo Papa ang “lengthy conflict, with its sad wake of destruction, death, contempt for humanitarian law” sa Syria, umaasang magkakaroon ng positibong resulta ang usapang pangkapayapaan na isinusulong ng United Nations na sinimulan na sa Geneva sa kalagitnaan ng Marso at magpapatuloy sa Abril.
Mahigit 270,000 katao na ang nasawi sa limang-taon nang digmaan sa Syria at milyun-milyon ang napilitang lisanin ang kanilang bayan, kaya naman napuruhan sa krisis ang mga kalapit-bansa nito.. (Agencé France Press)