chrome

DUBAI, United Arab Emirates (AP) — Nagbalik ang California Chrome at walang kasingbangis ang kanyang paghihiganti.

Sakay ang pamosong hinete na si Victor Espinoza, gumabay sa matagumpay na Triple Crown ng American Pharoah sa nakalipas na taon, ratsada ang last-year runner up tungo sa kahanga-hangang panalo nitong Sabado (Linggo sa Manila) sa US$10 milyon Dubai World Cup.

“Today, it proves how he can run when he’s 100 percent,” pahayag ni Espinoza, patungkol sa five-length win ng California Chrome. “He felt strong during the prep. He won easy.”

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Ngunit, tulad ng mga pamosong karera, nakatikim din ng maliit na insidente ang California Chrome nang bahagya itong madulas at mapunta sa likod ang saddle, subalit ang kaganapan ay hindi na masyadong ininda dahil halos nakasubo na siya sa finish line.

“I wasn’t that concerned,” sambit ni Espinoza. “I just kept looking forward and thinking, ‘Where’s the wire?’ It was not coming fast enough.”

Bunsod ng panalo, tinanggap ng California Chrome, 2014 Horse of the Year, ang top prize na US$6 million at pangunahan ang listahan na may pinakamalaking kinita na pangarerang kabayo sa ikatlong sunod na taon.

“It’s the dream of a lifetime for me, it doesn’t get better,” pahayag ni trainer Art Sherman. “The Chromies (fans) will be going crazy (back home).”

Naitala ng California Chrome ang tiyempong dalawang minuto at 01:83 segundo sa kabuuan ng karera na may distansiyang 1 1/4 milya. Pumangalawa ang Mubtaahij ng Ireland, kasunod ang Hoppertunity ng U.S.

Kabilang din sa 12 kabayo na sumabak sa karera ang pamosong Frosted at Keen Ice, ang tanging kabayo na nakatalo sa American Pharoah. Tumawid sa finish line ang Frosted sa ikalima, habang ikawalo ang Keen Ice.

Sakabila ng pagiging paborito sa ikalawang sunod na taon, nalagay ang California Chrome sa ika-11 posisyon sa meta. Ngunit, sa sandaling rumatsada na sa track oval, kaagad itong sumikad para sundan ang maagaang nanguna, ang Msawish.

Naagaw ng Frankie Dettori ang liderato, subalit kumain ito ng putik nang humataw na ng todo ang California Chrome.

“He likes to be on the outside,” sambit ni Sherman. “I just told Victor to get him in a position to win. If you have to lose ground, so be it.”

Matapos ang matikas na kampanya noong 2014, halos 10 buwang hindi kumarera ang California Chrome bunsod ng injury sa paa. Nagbalik aksiyon ito sa Santa Anita nitong Enero at diretsong ibiniyahe sa Dubai para maihanda ng husto para sa pinakamalaking karera sa mundo.

Ayon kay Sherman, uuwi muna sa kanyang tahanan sa US ang California Chrome. Matapos matalo sa nakalipas na World Cup, idiniretso nila ito sa England.

“We’ll give him 30 days at the farm to let him unwind, and the ultimate goal is the Breeders’ Cup (November at Santa Anita),” aniya.

Nauna rito, nasorpresa ng Real Steel ng Japan ang mga manonood sa US$6 million Turf Race nang gapiin ang Euro Charline, pamosong British horse sakay si jockey Dettori. Pumangatlo ang liyamadong Godolphin’s Tryster.

“He’s got lots of quality,” pahayag ni Real Steel jockey Ryan Moore. “It was a big effort from him, he had a tough trip, and was out wide but has toughed it out. He never runs a bad race.”

Napagwagian naman ng isa pang U.S. horse na Postponed ang Dubai Sheema Classic. Mula sa gitna, bumira ang Postponed, sakay ang hineteng si Andrea Atzeni para ungusan ang Duramente at Last Impact tungo sa two-length win.