SA pagtatapos ng kanyang makasaysayang pagbisita sa Cuba nitong Martes, idineklara ni United President Barack Obama na nagwakas na ang “last remnant of the Cold War in the Americas”.
Iilang tao na lang ngayon ang nakaaalala sa panahong iyon ng matinding kontrahan ng dalawang noon ay pinakamakakapangyarihan sa mundo—ang United States (US) at ang Union of Soviet Socialist Republics (USSR)—na ilang beses na naglagay sa mundo sa panganib ng digmaang nukleyar. Tinagurian itong Cold War dahil walang matinding paglalaban sa pagitan ng dalawang nabanggit na nuclear power na posibleng dumurog sa sibilisasyong nakagisnan natin. Sa halip, nagkaroon ng mga proxy war, karera sa kalawakan, pandaigdigang pag-eespiya, at kampanya ng kani-kanyang propaganda.
Ang isa sa mga insidenteng nagdulot ng malawakang pangamba sa mundo, kabilang na sa ating bansa, ang Cuban Missile Crisis noong 1961, nang magpadala si Soviet Prime Minister Nikita Khrushchev ng mga nuclear missile sa Cuba, nasa katimugan lamang ng Amerika. Sa panahong ito, katatapos lang mabigo ng Bay of Pigs Invasion na layuning ibagsak ang Komunistang gobyerno ni Fidel Castro at ang naging tugon ni Khrushchev ay ang mag-istasyon ng mga nuclear missile sa Cuba, na nasa 90 milya lang ang layo sa baybayin ng Florida.
Gumanti naman si US President John Kennedy sa pagharang sa Cuba sa karagatan at binigyan ng ultimatum si Khrushchev. Sa huli, umurong si Khrushchev at inalis ang mga missile ng kanyang bansa mula sa Cuba kapalit ng pangako ng Amerika na hindi na nito sasalakaying muli ang Cuba.
Limampu’t limang taon na ang nakalipas. May iba pang mga insidente noong Cold War mula nang magsimula ito noong 1947 hanggang sa magwakas ito noong 1991 sa paglusaw sa USSR. Nariyan ang Berlin Blockade and Airlift noong 1948-1949, ang digmaan sa pagitan ng Komunistang North Korea at ng suportado ng Amerika na South Korea noong 1950, ang Hungarian Revolution noong 1956, ang mga proxy war sa pagitan ng mga puwersang maka-Amerika at maka-USSR sa Guatemala, Indonesia, at iba pang bansang Third World. Ngunit ang Cuban Crisis ang pinakamatindi, at pinakamalapit sa pagsiklab ng pandaigdigang giyera nang mga panahong iyon.
Ito ang nasa isip ni President Obama nang magsalita siya tungkol sa katapusan, sa wakas, ng Cold War sa Americas. Bagamat nananatiling marami ang hindi napagkakasunduan, naibalik na ng Amerika at Cuba ang ugnayang diplomatiko ng mga ito makalipas ang 57 taon at isinusulong na ngayon ang mas maigting na pagkakasundo bilang magkapit-bansa.
Sa kanyang pagbisita sa Cuba, binigyang-diin ni Obama ang pagpapanumbalik ng ugnayan sa pagtatapos ng labi ng Cold War na kanilang bahagi sa mundo. Nakikita ng daigdig, na minsang muntikan nang mapagitna sa digmaang nukleyar, ang kahalagahan ng pahayag ni Obama at nagkakaisa sa pag-asam na hindi na muling magkakaroon ng kaparehong krisis gaya ng nangyari sa Cuba noong 1961.