KAPATAWARAN sa mga kasalanan ang hangad ng mga lalaking naghilera sa pagkakapako sa krus sa Barangay San Pedro Cutud sa San Fernando City, Pampanga, samantala pagkakakitaan naman ang habol ng mga corporate sponsor at ng mga small-time vendor noong Biyernes Santo.
Nangagsabit ang naglalakihang poster ng anunsiyo ng pinakamalalaking telecommunication company sa Pilipinas, isang fast food restaurant, iba’t ibang energy drink, at isang lokal na motel chain, sa lugar na pagdarausan ng pagsasadula sa pagpapako sa krus.
Sinabi ng vendor na si Rosemarie Musngi, 44, na dumaan muna siya sa simbahan bago naglatag ng mga paninda niyang daing, tsitsirya, at souvenir shirt sa ilalim ng markadong tent na nirentahan niya sa isang kilalang telecommunications company.
“Nagdasal kami sa Diyos na sana ay kumita kami kahit kaunti… nagdasal kami na bilhin sana ng mga tao ang mga paninda namin,” sinabi ni Musngi sa Agencé France Presse.
Bilang kapalit ng libreng pag-aanunsiyo at okasyong sinasamantala para makabenta ng kanilang mga produkto, nag-alok pa ng livestreaming ng event sa Internet at nagkaloob ng libreng Wi-Fi access on-site ang isa sa mga telecommunications company.
Dahil dito, mabilis na nakapag-upload sa social media sites ng kani-kanilang selfie ang mga mananampalataya, turista, at usisero habang nasa background ang mga debotong nakapako sa krus.
At dahil unti-unti nang nakilala ang okasyong ito, nagdaraos na rin ng kani-kanyang penitensiya ang ibang barangay at kinukuha ang serbisyo ng corporate sector upang akuin ang tumataas na gastusin sa pagtanggap sa napakaraming tao, mula sa mga karatula hanggang sa mga upuan at mga portable toilet.
Nagkaloob ang mga corporate sponsor ng mga produkto at serbisyo—gaya ng Wi-Fi at mga signage—na nagkakahalaga ng P300,000 upang suportahan ang event, ayon kay Ching Pangilinan, nangangasiwa sa turismo ng San Fernando City.
Sinabi ni Pangilinan na dumadagsa sa San Pedro Cutud ang nasa 30,000 manonood kada taon, kabilang ang may 1,500 dayuhang turista.
“Religious events... are excellent opportunities for advertising and marketing as they tap positive vibes,” sabi naman ni Louie Checa Montemar, isang development studies professor sa De La Salle University.
“Who, after all, would really openly question or go against what is perceived or assumed to be ‘good’?” sabi pa ni Montemar. - Agencé France Presse