Babala sa mga motorista: Handa na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipatupad ang no contact apprehension scheme ng ahensiya sa pagtukoy sa mga pasaway na motorista sa Metro Manila simula sa Abril 15—at pahirapan nang malusutan sila.
Sinabi ni Rody Rivera, ng Traffic Discipline Office (TDO) ng MMDA, na 50 sa karagdagang 250 closed circuit television (CCTV) camera ang ikinabit sa mga blind spot area sa Metro Manila upang hulihin ang mga pasaway na motorista.
Aniya, ang lahat ng camera ay “high definition” ang kalidad kaya malinaw na natutukoy ang plate number ng mga sasakyan.
Saklaw ng traffic scheme ang mga pasaway na driver sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, partikular na sa EDSA at C-5.
Kasabay nito, nilinaw ni MMDA Chairman Emerson Carlos na hindi dahil sa No Contact Policy ay mawawala na sa mga lansangan ang mga traffic enforcer ng ahensiya, dahil itatalaga ang mga ito sa mga lugar na hindi saklaw ng mga CCTV camera.
Alinsunod sa polisiya, ang pasaway na motoristang mahuhuli-cam ng CCTV ay padadalhan ng MMDA ng notice at bibigyan ng pitong araw para bayaran ang multa o maghain ng apela kaugnay ng nasabing paglabag.
Nakasaad sa notice ang photo clip ng sasakyan ng driver habang nasa akto ng paglabag sa batas-trapiko, bukod sa petsa, oras, lokasyon, at ang mismong traffic violation ng motorista.
Kapag hindi naasikaso ang citation ticket makalipas ang pitong araw, at kapag binalewala pa rin ang final notice na ipadadala ng MMDA, ipo-forward ng ahensiya ang driver’s license number ng motorista sa Land Transportation Office at hindi na makapagre-renew ng lisensiya ang pasaway. (ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN)