LINGAYEN, Pangasinan – Dalawang barangay chairman, isang miyembro ng Sangguniang Bayan, isang dating pulis, isang jailguard at apat na iba pa ang kakasuhan ngayong Lunes matapos silang maaresto nitong Marso 23 sa pag-iingat umano ng ilegal na droga at mga baril.

Ayon kay Supt. Jackie Candelario, acting chief ng Public Information Office ng Pangasinan Police Provincial Office, na naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Tayug Police, at iba pang awtoridad ang siyam na katao sa pagsalakay sa isang bahay at isang resort sa Tayug, Pangasinan.

Arestado sina Julius Cendaña, 48, Sangguniang Bayan member ng San Nicolas; Reynel Carpio, 48, chairman ng Barangay San Isidro sa San Nicolas; Amado Japson, 57, chairman ng Bgy. San Jose, San Nicolas; Virgilio Soto, 43, dating pulis, ng Bgy. Poblacion East, San Nicolas; SJO3 Jayson Aquino, 41, ng Bgy. Malued, Dagupan City; Eleorie Arzadon, 43, ng Tayug; Robenson Sanchez, 26, vendor, ng Tayug; Anicito Edad, 33, ng Aringay, La Union; at Robenjie Sanchez, 24, ng Tayug.

Sa bisa ng tatlong search warrant laban kay Arzadon, nakumpiska ng raiding team ang apat na plastic sachet ng shabu, drug paraphernalia, isang granada, isang shotgun na kargado ng bala, isang kinalas na .38 caliber revolver, isang scope, isang silencer, at marami, iba’t ibang bala. (Liezle Basa Iñigo)

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?