NAPUNA ng isang political analyst ang pagiging elitista ni Sec. Mar Roxas sa ikalawang presidential debate. Kasi, aniya, habang siya ay nagsasalita sa oras na inilaan sa kanya ay ayaw niyang magpaistorbo. Hindi ba’t tama naman ang kalihim? Ang debate ay tagisan ng katwiran. Dahil mayroong tagapakinig at tagahusga, kailangang pumapailanlang at naririnig ang mga katwiran ng bawat isa. Nahahadlangan nito ang dapat sana’y malinaw na katwiran at depensa ng kandidato.

Ganito rin ang nagaganap kung ang isang nakikipagdebate, sa halip na sagutin ang katanungan ng kadebate, ay namemersonal. Inaatake ang pagkatao ng kadebate na malayo sa pinag-uusapan. Ganito ang istilo ni Mayor Duterte.

Tinawag niyang pekeng lider at hindi graduate ng Wharton University, USA si Mar Roxas bilang sagot sa sinabi ni Roxas na sa mismong Davao City, kung saan alkalde si Duterte, ay laganap din ang droga. Ang winika ni Roxas ay may kaugnayan sa ipinagmamalaki ni Duterte na kapag siya ang nahalal na Pangulo ay wawakasan niya ang krimen at droga sa bansa sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan. Kaya, kay Roxas, paano masusupil ni Duterte ang krimen sa panahong itinakda niya kung hindi niya nagawa ito sa Davao na matagal niyang pinamunuan?

Sa sagutang ito nina Roxas at Duterte, ipinamalas ni Roxas na kahit hindi siya abogado ay magaling siyang debater at cross-examiner. Nasabi kasi ni Duterte, na kumuwestiyon sa kakayahan ni Roxas noong siya pa ang DILG secretary, na sa bansa ay nagkalat ang droga at wala namang nangyari sa mga salarin. Sa Davao, aniya, ay sinupil niya at wala na ang mga ito. Ang sagot ni Roxas ay nahuli naman at nakakulong na sila. Ako aniya ay para sa proseso na dapat dito magdaan ang mga nadakip bago sila papanagutin sa batas. Ang problema, aniya, kay Duterte ay pinapatay niya ay mahihirap. “Tanungin nga kita,” sabi ni Roxas, “sinong mga mayaman ang pinatay mo?” Itong tanong na ito ang tinatawag na two-horn dilemma.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kapag sinagot ni Duterte na “wala”, hindi maganda ito para sa ipinagmamalaki niyang kapayapaan sa Davao Citys. Kung isisiwalat naman niya ang mga mayaman na pinatay na niya, lalo siyang madidiin. Baka masampahan pa siya ng asunto. Kaya pinili ni Duterte na manahimik na lang.

Maganda ang naganap na ikalawang presidential debate dahil nakita sa mga naglalabang kandidato kung sino ang may karanasan na at may kakayahang gampanan ang tungkulin ng panguluhan. Nakita rin kung sino ang may dala ng mabigat na bagahe kaya siya nahihirapang ibuka ang bibig, kasi bawat sasabihin niya ay parang durang idinura niya paitaas at babagsak sa kanyang mukha. (Ric Valmonte)