MAHALAGA, natatangi at makahulugang araw ang ika-27 ng Marso para sa mga taga-Jalajala, Rizal. Sa nasabing araw kasi ipinagdiriwang ang pagkakatatag ng nasabing bayan. At ngayong taon ay ang ika-109 na anibersaryo ng bayan ng Jalajala—ang kinikilalang “paraiso” sa Rizal sapagkat ito ang pinakamalinis at tahimik na bayan sa lahat ng lalawigan.
Ang pagdiriwang ay pinangunahan nina Mayor Narcing Villaran, Vice Mayor Elmer Pillas at ng mga miyembro ng Sanggunian Bayan. Nakiisa rin ang mga opisyal ng mga barangay, guro, mag-aaral at empleyado ng lokal na pamahalaan.
Nagdaos ng Misa ng Pasasalamat na pinangunahan ni Father Gerald Metal, kura paroko ng Parokaya ni San Miguel Arkanghel.
Ayon kay Ka Luste de Sagum, executive assistant ni Mayor Villaran, naging bahagi rin ng pagdiriwang ang Gawad Parangal o ang pagkilala sa mga natatanging Jalalenyo na nagtagumpay sa iba’t ibang larangan. Ang parangal at pagkilala na iginawad nina Mayor Villaran at Vice Mayor Pillas. Naging mga panauhin sina Rizal Vice Governor Frisco “Popoy” San Juan, Jr. at Rizal board member Arling Villamayor. Ipinaabot nila ang kanilang pagbati sa pagdiriwang at hiniling ang patuloy na pagkakaisa ng mga mamamayan at gawing modelo ang mga natatanging mamamayan.
Pinasalamatan ni Jalajla Mayor Narcing Villaran ang kanyang mga kababayan at ang lahat ng nakiisa at lumahok sa pagdriwang ng anibersaryo ng kanilang bayan. Ang kanilang pakikiisa sa selebrasyon ay larawan ng pagpapahalaga sa kasaysayan, tradisyon at kultura ng Jalajala.
Ang Jalajala ay hango sa salitang “Halaan” na nakukuha noon sa Laguna de Bay. Ang Jalajala ay kilala sa tawag na “La Villa de Pila” na nasa pamamahala ng mga paring Franciscano. Ang simbahang gawa sa kawayan ay tinayo sa noong 1678 ni Padre Lucas Saro. Ang pinakasentro ay ang Barangay Punta. Mula noong 1823, ang Jalajala na isang barangay lang noon ay naging ganap na bayan nang ihiwalay ito sa Pililla. Ngunit makalipas lamang ang isang taon, ay nabalik na muli sa pagiging barangay ng Pililla. Pagsapit ng 1825, nahiwalay ito nang tuluyan sa Pililla at naging isang bayan.
At noong ika-27 ng Marso, 1907, sa pamamagitan ng Act 1626 na pinagtibay ng Philippine Assembly, ang Jalajala ay naging malayang munisipalidad. Ang unang nahalal na Presidente Municipal (Mayor) ay si Simeon Perez.
Nang mahalal na alkalde naman noong 2004 si Mayor Ely Pilillas, sa loob ng tatlong taon, binigyan ng prayoridad ang edukasyon at kalusugan. Naipaayos ang ospital ng Jalajala, nagkaroon ng bagong palengke, nakapagtayo ng mga eskuwelahan sa tulong ng pamahalaang panlalawigan. Naparating ang serbisyo ng Manila Water na mula sa pagiging 6th class municipality ay umangat sa 3rd class. Ang mabuting pamamahala ay ipinagpapatuloy ngayon ni Mayor Villaran.
(Clemen Bautista)