NOONG nakaraang linggo, sinabihan ni Sen. Juan Edgardo Angara ang mga kasalukuyang kandidato sa pagkapangulo na maging prayoridad, kung sinuman sa kanila ang mananalo, ang turismo. Bigyang-halaga ang tourism development para sa susunod na administrasyon.
Tama nga ba ito? O, sa ibang panig nakatingin ang mabunying senador.
Nararapat lamang bigyan ng prayoridad ang turismo kung tahimik ang bayan. Iyong kahit saan ka magtungo ay hindi ka mangingiwi at matatakot na baka may mangyaring krimen. Na sa lahat ng oras ay ligtas ka. Puwede iyon.
Pero sa panahon ngayon na bawat oras ay halos may pinapatay, ninanakawan, pinagsasamantalahan at binubugbog, ang turismo pa ba ang dapat na maging prayoridad?
Kamakailan lamang ay may mag-inang pinasok sa bahay ng mala-demonyong kriminal at pinagpapalo ng martilyo ang mga ulo ng biktima. Patay ang mag-ina. Maya’t maya rin sa mga ulat sa mga radyo at telebisyon ang barilan, saksakan, panggagahasa, nakawan, at niluluray ang mga katawan. Sa panahon ngayon na ang droga ang pangunahing “libangan” ng mga walang pusong nilalang, turismo pa rin ba ang mangingibabaw? Mapapalaganap kaya natin at mapauunlad ang turismo?
Makukumbinsi kaya natin, partikular na ang mga banyaga, na mamasyal at magbakasyon sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas?
Sa mga nangyayaring krimen sa ating bansa, palagay ng kolumnistang ito, kahit gawing libre ang pamamasyal sa Pilipinas ay hindi kakagatin ng mga banyaga. Bakit? Dahil manganganib ang kanilang buhay.
Bago pagtuunan ng pansin ang mungkahi ni Sen. Angara, ang dapat munang unahin ng susunod na pangulo ng bansa ang pagpapalaganap ng kapayapaan at kaayusan sa ating bansa. Sugpuin ang mga sangkot sa ilegal na droga, tuldukan ang kaliwa’t kanang krimen at patahimikin ang buong bansa. Walang luku-lukong turista na makikipagsapalaran para lamang makalangoy sa malilinaw nating tubig at makapagbilad sa mga puting buhangin. Uunahin nila, siyempre, ang kanilang kaligtasan.
Ang turismo ay kusang uunlad kapag tahimik ang isang bansa. (Rod Salandanan)