Masusubok ang kakayahan ng 23-anyos na si Jeffrey Francisco sa kanyang laban kay Japanese Yusuke Suzuki para sa bakanteng WBC Eurasia Pacific Boxing Council bantamweight title sa Mayo 4, sa SM Mall of Asia Music Hall, Pasay City.
Ito ang unang regional title fight ni Francisco at pinakamalaking pagkakataon para makapasok sa world ranking kaya’t sisikapin niyang manalo kay Suzuki na isa ring rookie boxer at ngayon lamang lalaban sa labas ng Japan.
“Sisikapin ko pong manalo para maibawi ang ka-stable ko na tinalo niya sa puntos na si dating Philippine bantamweight champion Monico Laurente noong 2014,” sabi ni Franscisco habang nagsasanay sa Elorde Gym sa Parañaque City.
“Tiyak po na makapapasok ako sa WBC rankings kapag tinalo ko si Susuki,” aniya.
May rekord si Francisco na 13-1-1 win-loss-draw na may isang panalo sa knockouts samantalang si Suzuki ay may kartadang 6-2-0 na may apat na pagwawagi sa knockouts.
Sa mainer ng Elorde card, paglalabanan ng walang talong si Joe Noynay ng Bogo, Cebu at ni dating WBC Silver Youth titlist Richard Pumicpic ang bakanteng WBC International super bantamweight title na ang magwawagi ay tiyak papasok sa top 15 ng world rankings.
Kasalukuyang No. 40 kay WBC super bantamweight titlist Hugo Ruiz ng Mexico, may rekord si Noynay na 10-0-1 win-loss-draw na may 3 pagwawagi sa knockouts kumpara sa beteranong si Pumicpic na may kartadang 17-7-2 win-loss-draw na may 6 panalo sa knockouts. - Gilbert Espeña