Nahaharap sa kasong plunder sa Office of the Ombudsman ang isang mag-asawang prominenteng pulitiko sa Pangasinan kaugnay ng umano’y maanomalyang paggamit ng P700 milyon sa tobacco excise tax.

Sa kasong inihain nitong Marso 16 ng North and Central Luzon Tobacco Farmers Association, Inc. (NCLTFAI), ipinagharap ng pandarambong sina dating Pangasinan 5th District Rep. Mark Cojuangco at asawa niyang si Carmen Kimi Cojuangco.

Ang ginang ang humalili sa posisyong binakante ng kanyang asawa nang magtapos ang ikatlong termino ng huli noong Hunyo 2010.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Kinakatawan ng presidente nitong si Ruben Lagmay at ng secretary-general na si Virginia Salta, inakusahan ng NCLTFAI ang mag-asawang Cojuangcos ng “conspiring to defraud the tobacco farmers of the proceeds of the tobacco excise tax by taking advantage of their official position, authority, connection and influence.”

“Karapatan naming malaman kung saan ginastos ang perang para sa aming economic benefits,” giit ni Lagmay.

Tinukoy sa reklamo na mahigit P695 milyon na bahagi ng tobacco excise tax ng distrito noong 1997-2007 ang umano’y winaldas ng mag-asawa sa dahilang hindi pinahihintulutan ng batas.

Batay sa mga dokumento ng NCLTFAI, P503.7 milyon sa P569 milyon na inilabas mula 2010 hanggang 2012 ang ginamit sa mga farm-to-market road, palay at corn drying facility, irrigation canal, at ipinambili ng farming equipment, at iba pa, para sa mga bayan ng Alcala, Sto. Tomas, Sison, at Villasis.

Ngunit alinsunod sa batas, ang pondo mula sa tobacco excise tax ay dapat na eksklusibong ginagastos sa mga proyekto ng kooperatiba, kabuhayan, at pang-agrikultura na direktang pakikinabangan ng mga magtatabako lamang.

Hiniling din ng complainant na magsagawa ang Ombudsman ng lifestyle check laban sa mag-asawa. (Jun Ramirez)