Binatikos ng sinibak ng kongresista ng Marinduque na si Regina Ongsiako-Reyes ang umano’y “double standard” na hustisya na ipinaiiral ng Supreme Court (SC) na kanyang ikinumpara sa naging desisyon nito sa disqualification case laban kay Senador Grace Poe.
Hindi maiwasan ni Reyes na ikumpara ang kanyang kaso sa disqualification case laban kay Poe, na pinayagan ng Korte Supreman na tumakbo sa pagkapangulo sa May 9 elections sa kabila ng pagdududa sa kanyang citizenship dahil siya ay isang foundling o napulot na sanggol at kakulangan sa residency requirement.
Dalawang linggo bago inilabas ng Kataastaasang Hukuman ang desisyon sa kaso ni Poe nitong Marso 8, si Reyes ang unang naghain ng poll protest upang igiit ang kanyang kuwalipikasyon bilang kinatawan sa Kamara ng nag-iisang distrito ng Marinduque.
Aniya, tulad ni Poe, siya rin ang naharap sa disqualification case sa SC dahil sa issue ng citizenship.
Ang pagkakaiba lang, ayon kay Reyes, ay kung paano hinawakan at dinesisyunan ng SC ang kaso ng Poe bagamat hindi pa rin tukoy ang mga magulang ng senadora, at kinuwestiyon din ang kanyang 10 residency.
Sa kabilang dako, sinabi ni Reyes na siya ay ideneklara ng SC na “ineligible” na maupo sa Kamara bagamat siya ay isang “natural born citizen, na may birth certificate, at may mga magulang na Filipino na kilalang mga tagapaglingkod sa bayan.”
“If Poe-Llamanzares is allowed to run, should not, with more reason, that Gina O. Reyes be allowed to run?” nakasaad sa statement ni Reyes. - Leonard D. Postrado