ANG pagdagsa ng kontrabandong droga at ang pagiging money-laundering country ngayon ng Pilipinas ay patunay na hindi natatakot ang drug lord-traffickers (lokal man o dayuhan) na sa ating bansa magsagawa ng mapaminsalang negosyo dahil walang parusang kamatayan. Hindi nga naman sila mahahatulan ng kamatayan kahit mahuli. Sa China, Singapore, Malaysia at Indonesia, umiiwas sila doon dahil tiyak na parusang kamatayan ang ipapataw sa kanila. Eh, bakit karamihan sa mga drug trafficker sa bansa ay mga Chinese? Itanong sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ang Pilipinas ay isang katolikong bansa na kontra sa pagpapatupad ng death penalty. Katwiran ng mga pari, obispo, arsobispo, cardinal, at ng Santo Papa ay ang Panginoong Diyos lamang ang may karapatang bumawi sa buhay ng Kanyang nilalang. Pero Lolo Kiko at mga Monsignor, papaano kung ang isang kriminal o drug addict ay napatunayang nagkasala sa pagpatay sa tanging anak na babae ng isang mag-asawa? O isang drug addict na pumugot sa ulo ng kanyang ina bunsod ng impluwensiya ng droga na dala ng mga dayuhan, partikular na mula sa China, Nigeria, Kenya at iba pang bansa sa Africa?

Mananahimik na lang ba ang mga pamilya ng mga biktima at uusal ng “Bahala ka na po Diyos sa kanila dahil hindi nila alam ang kanilang ginagawa”? Nasaan ang katarungan? Hahayaan na lang ba silang makulong sa New Bilibid Prisons (NBP) upang kinabukasan o pagkalipas ng ilang taon ay mababalitaang nakatakas ang mga kriminal dahil nasuhulan ang mga guwardiya ng NBP?

***

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kakila-kilabot ang mga pagsabog na nangyari sa Brussels (Belgium) at subway doon. Walang kamalay-malay ang mga pasahero o sibilyan na bibiyahe patungo o pauwi sa kanilang mga tahanan nang ang walang pusong mga kasapi ng ISIS ay magpasabog sa mga lugar na hindi aakalain ng sinuman na mangyayari. Kung sa ‘Pinas nangyari ito, mata lang natin ang walang latay sa kantiyaw ng mga lokal at dayuhang kritiko.

May konsensiya pa kaya ang ganitong uri ng tao na tulad ng naisulat ko na kamakailan ay sumisigaw pa ng “Allahu Akbar” o Dakila si Allah subalit kasamaan at karahasan ang inihahasik sa sangkatauhan? Inuulit ko, si Allah ay mapagmahal na Maykapal, ang aral niya ay kapayapaan, pagkakasundo, pag-ibig, paggalang sa kababaihan at mga bata.

Lumalabas ngayon na parang masahol pa ang ISIS sa Al Qaeda ni Osama bin Laden na nagpasabog sa Twin Towers sa New York.

***

Sa aking mga kababayan, mag-ingat tayo ngayong tag-init dahil posible raw na umangat ng 38.2 celsius o 40 celsius ang temperatura sa bansa. Uminom tayo ng maraming tubig upang hindi ma-dehydrate at matamaan ng heatstroke. Sa aking panig, patuloy ang jog-walk ko tuwing umaga, kasama ang kaibigang palabiro pero sarkastiko, senior-jogger at Tata Berto. Pagkatapos, magkakape kami kasama ang kuwentuhan tungkol sa pulitika, panahong lumipas at kapag may pumasok na magandang dilag, aba humahanga pa rin kami! (Bert de Guzman)