jinkee pacquiao

Ni Robbie Pangilinan

LOS ANGELES – Mahabang panahon din na nabulag si Jinkee Pacquiao sa ganda ng Amerika at sa mamahaling kagamitan na tila kendi lamang kung kanyang bilhin.

Ngunit, ang lahat ng karangyaan at kaluwagan ay kabilang na sa ibinasura at kinalimutan ng kabiyak ng pamosong boxing legend.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Mula nang ibuhos ni Pacman ang sarili sa pamumuhay batay sa kasulatan ng Bibliya, kasama ring naagaw ang malabis na paggasta at pagmamahal sa mamahaling bagay ang puso at isipan ni Jinkee.

Sa pagiging born-again Christian, kasama na rin si Jinkee hindi sa sosyalan at kasiyahan kundi sa pagbabasa sa Bibliya at paglalahad ng patotoo sa kagandahan ng buhay dulot ng pagsunod sa salita ng Diyos.

Pinangungunahan na ni Jinkee ang bible study sa kanilang tahanan, gayundin dito sa Amerika kasama ang kanyang pamilya at mga miyembro ng Team Pacman.

“I understand how hard it is to be far from your loved ones. And prayer is the only support we can give each other,” sambit ni Jinkee.

Iginiit niyang ang masidhing paniniwala sa kapangyarihan ng Panginoon ang siyang gumagabay sa kanyang pamilya at sa mga gawain ni Pacquiao para mapaglingkuran ang mas nakararaming Pilipino.

“I know that the prayers of millions of Filipinos helped my husband become victorious not only in his boxing fights but also in overcoming temptation and vices,” sambit ng Sarangani Vice Governor.

Kasama ang mga anak, dumating dito ang First Family ni Pacman para suportahan ang ama ng tahanan sa kanyang ikatlong laban kontra Timothy Bradley sa Abril 9 sa MGM Grand sa Las Vegas. Batay sa naunang pahayag ni Pacman, handa na siyang magretiro matapos ang laban.

Nakatakda siyang sumabak sa pagkasenador sa gaganaping halalan sa bansa sa Mayo 9.