Nina ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN

Matapos magdusa sa matinding trapiko dulot ng pagtungo ng mga bakasyunista sa mga lalawigan at pabalik sa Metro Manila nitong Semana Santa, tiyak na muling magkakabuhul-buhol ang daloy ng mga sasakyan sa ikinasang mga proclamation rally ng iba’t ibang kandidato sa lokal na posisyon sa Kalakhang Maynila.

Nangunguna ang partido ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na magsasagawa ng proclamation rally sa Liwasang Bonifacio simula 1:00 ng hapon, at mahigit 40,000 tagasuporta ng dating aktor ang dadalo.

Muling puntirya ni Estrada ang pagkaalkalde sa ikalawang termino, at makakalaban niya sina Congressman Amado Bagatsing at dating Manila Mayor Alfredo Lim.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sa Makati City, magpapatalbugan naman sina Makati Second District Rep. Abigail Binay at Makati City Mayor Romulo “Kid” Peña, na kapwa puntirya ang posisyon ng pagkaalkalde ng siyudad, sa pagdaraos ng kani-kanilang proclamation rally ngayong Lunes ng hapon.

Si Abigail ay anak ni Vice President Jejomar Binay na inaasahan ding dadalo sa okasyon na gaganapin dakong 3:00 ng hapon sa panulukan ng Vito Cruz at Pasong Tamo, kasama ang maybahay nitong si Dr. Elenita Binay, na dati ring alkalde ng Makati tulad ng bise presidente.

Samantala, kasado na ang proclamation rally ni Peña na gaganapin dakong 6:00 ng gabi sa Lawton Avenue sa West Rembo, matapos ang isang motorcade na dadaluhan ng kanyang mga kapartido at tagasuporta na magsisimula ng 5:30 ng umaga.

Matatandaang naluklok sa puwesto si Peña, dating bise alkalde ng Makati, bilang mayor ng siyudad matapos sibakin ni Ombudsman Conchita Carpio Morales si Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr. bilang punong-bayan ng itinuturing na “financial hub” ng bansa dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa sinasabing maaanomalyang proyekto .