Hangad nina national boxer Charly Suarez at Nesthy Petecio na sundan ang mainit na panalo ng kakamping si Roldan Boncales Jr. sa pagsabak sa eliminasyon ng kani-kanilang dibisyon sa ginaganap na 2016 AOB Asian / Oceanian Qualification Event sa Tangshan Jiujiang Sport Center sa Quian’an, China.
Nakatakdang sumagupa ang natatanging babaeng boxer na kasama sa delegasyon ng Team Pilipinas na si Nesthy Petecio sa women’s flyweight sa kontra half-Filipina na si Jennifer Chieng na inirerepresenta ang Micronesia subalit nagsasanay at lumalaban sa Estados Unidos sa ganap na 8:00 ng gabi.
Ang seeded No. 2 sa lightweight class na si Suarez ay sasagupa sa Sabado ng gabi kay Lai Chu En ng Chinese-Taipei. Tinalo ni En ang nakasagupa na si Hursand Imankuliyev ng Turkmenistan sa split decision upang umusad sa ikalawang round.
Kapwa asam nina Petecio at Suarez ang panalo na magtutulak dito paakyat sa quarterfinal round.
Matagumpay namang sinimulan ni Boncales Jr., ang kampanya sa men’s flyweight (52kg) nang gapiin ang karibal na si Van Thao Tran ng Vietnam, 3-0.
Gayunman, kinailangan ng Team Pilipinas coaching staff na gisingin ang diwa ng 23-anyos mula General Santos City na si Boncales sa unang round bago nito tuluyang nakumbinsi ang limang hurado kung saan naitala ang mga iskor mula sa Kazakhstan, Lithuania at Belarus para sa parehas na 30-27.
“Akala mo na-shock eh,” sabi ni coach Nolito “Boy” Velasco. “Lumalaban na parang wala sa sarili. Kinailangan ko pa na buhusan ng malamig na tubig at sabihan na mag-focus at huwag intindihin ang paligid. Buti na lang nakabawi at nakumbinsi ang mga judges.”
Ito ang pinakaunang laban ng nagbabalik na si Boncales sa internasyonal na torneo matapos huli itong sumagupa sa President’s Cup sa Indonesia noong Abril 2015 kung saan nagtamo ito injury sa mukha dahil sa head butt. Tatlong buwan itong hindi nakapag-ensayo matapos sumailalim sa surgery sa Makati Medical Center sa hairline fracture.
Nagawa niyang magbalik kung saan pinakitaan niya ng husay ang ABAP national coaches na nagbigay tsansa na hamunin para sa puwesto sa 52 kg. ang SEA Games at Sri Lanka Lion’s Cup gold medalist na si Ian Clark Bautista.
Nagawang magwagi ni Boncales sa box-off na ginawa sa Baguio City. May pagkakataon naman si Bautista na sumagupa sa susunod na Olympic qualifier sa Hunyo.
Sabay-sabay namang sasagupa para sa quarterfinals ngayong gabi sina Rogen Ladon at Eumir Felix Marcial, kapwa seeded number one sa light flyweight at welterweight classes kasama si Mario Fernandez. - Angie Oredo