LEGAZPI CITY - Inaasahang lalong dadagsa ang mga turista sa Albay ngayong Abril dahil sa selebrasyon ng 2016 Daragang Magayon Festival na magsisimula ngayong Lunes, Marso 28.
Lalo pang pinatingkad ang reputasyon ng Albay bilang “cultural and eco-tourism jewel” matapos itong ideklara nitong Marso 18 sa Lima, Peru bilang World Bioshere Reserve ng UNESCO, na isinama na rin ang Bulkang Mayon sa tentative list nito ng World Heritage Sites.
Lalo rin nitong pinagningning ang pagkilala ng Pacific Asia Tourism Association (PATA) sa lalawigan bilang “New Frontier Tourist Destination”, at nagwagi sa kauna-unahang $1-million CEO Challenge nito.
Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, ang tunay at likas na ganda at pagmamalasakit sa kapaligiran ang buod ng taunang pagdiriwang ng Daragang Magayon Festival, na ika-18 taon na ngayon.
Kabilang sa mga tampok sa kapistahan ang parada ng mga Higante ng mga Alamat ng Albay, ang “Sayaw kan Tolong Bulod”, ang Daragang Magayon Beauty Pageant, at marami pang iba.
Tampok din ang mga naiibang lutong-Albay na matitikman ng mga turista sa food gardens ng lalawigan.