Hindi nakalusot sa Bureau of Customs (BoC) ang mahigit 1,500 sako ng asukal na ididiskarga sana mula sa isang cargo vessel sa Zamboanga City, kamakailan.

Ayon sa ulat ng BoC Intelligence Group, naharang ng awtoridad sa karagatan ng Barangay Arena Blanco ang barkong M/T Fatima Radz Auna na may kargang 1,500 sako ng asukal mula sa Malaysia.

Aabot sa P3.15 milyon ang kabuuang halaga ng imported sugar, na ang bawat sako ay may timbang na 50 kilo, ayon sa Customs authorities.

“The smuggled sugar came from Sandakan, Sabah. The vessel has nine crew onboard,” ayon sa ulat ng ahensiya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Bigo naman ang BoC Intelligence Group na matukoy ang may-ari at operator ng M/T Fatima Radz Auna.

Subalit hinila ang barko sa Port of Zamboanga kasama ang mga kargamento nito bago inilipat sa pangangalaga ng BoC regional office.

Nitong Pebrero, naharang din ng mga tauhan ng Task Force Zamboanga at Philippine Navy ang dalawang bangkang de motor—M/L Alkausar at M/L Fadzramar—na may kargang ipinuslit na asukal na nagkakahalaga ng P12 milyon sa karagatan din ng Bgy. Arena Blanco. - Raymund F. Antonio