GENERAL SANTOS CITY – Pinabulaanan ng militar ang katotohanan ng isang video footage na kumalat sa social media at nagpapakita sa pamumugot sa isang lalaki ng isang tagasuporta ng Islamic State, sa Sarangani.
Inilarawan ni Col. Ronald Villanueva, commander ng 1002nd Army Brigade, ang video footage bilang propaganda ng isang grupo ng terorista gamit ang social media.
Aniya, gumawa sila ng beripikasyon sa pulisya sa Sarangani na itinanggi ang napaulat na insidente ng pagpugot sa isang lalaki sa siyudad na ito, na binihag umano matapos matuklasang nag-eespiya sa mga tagasuporta ng IS, sa pamumuno ni Commander Tokboy Maguid, opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nakabase sa Maasim, Sarangani.
Pinangunahan ni Maguid ang isang grupo ng mga armadong tagasuporta na nakaengkuwentro ng militar sa Palimbang, Sultan Kudarat noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Nakatakas si Maguid sa kasagsagan ng operasyon ng militar ngunit pito sa kanyang mga kasamahan ang napatay sa labanan.
Narekober ng tropa sa lugar ng labanan ang ilang baril at watawat na may simbolo ng IS.
Ayon kay Villanueva, posibleng pineke ang video footage upang palabasin na kinuhanan ito sa Sarangani. - Joseph Jubelag