Gusto n’yo bang malaman ang mga plano ng mga kandidato sa pagkapangulo para sa mga overseas Filipino worker?

Masisilip sa website ng Commission on Elections (Comelec): www.comelec.gov.ph ang profile ng limang kandidato sa pagkapresidente na sina Vice President Jejomar Binay, Senator Miriam Santiago, Senator Grace Poe, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, at dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas.

Kabilang sa profiles ang plataporma de gobyerno ng mga presidentiable sa mga usaping kinahaharap ng mga OFW, gaya ng illegal recruitment, mataas na placement fee, tiwaling mga opisyal at kawani ng airport, pagpapataw ng mga buwis at custom duties sa mga balikbayan box, at iba pa.

Narito ang pasilip sa action plan ng limang presidentiable:

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Binay: Paigtingin ang Presidential Task Force on Illegal Recruitment (PTFAIR), reintegration program para sa mga OFW na nagbabalik-bansa, ayuda sa mga OFW na nawalan ng trabaho sa entrepreneurship trainings, pagkakabit ng mas maraming CCTV camera, partikular sa tarmac area.

Santiago: Pangongolekta ng mas kakaunting bayarin at pagbawas ng requirements, pagtapyas ng gastusin sa mga transaksiyon sa overseas employment, at pagsibak sa mga tiwali at palpak na opisyal.

Duterte: Pagbabawas ng placement fees partikular para sa mga OFW na kailangang sumailalim sa marami at magagastos na training course, pagpapaigting ng seguridad sa mga paliparan, at pag-amyenda sa mga umiiral na polisiya sa balikbayan boxes upang matiyak na pabor sa OFWs ang lahat ng ito.

Poe: Pag-ibayuhin ang batas kontra illegal recruitment, pag-aralan ang posibilidad na gawing standardize ang placement fees, at lumikha ng reporting hotline para sa OFWs at kanilang mga pamilya.

Roxas: Magkaloob ng mabilisang ayudang legal sa mga OFW, pagpapaigting sa mga Pre-Departure Orientation Seminar tungkol sa financial literacy, at pag-aksiyon laban sa mataas na placement fees.

Bukod sa mga kandidato sa pagkapresidente, nasa website rin ng Comelec ang profiles ng mga kandidato sa pagka-bise presidente at pagkasenador.

Boboto ang nasa 1.4 milyong rehistradong overseas Filipino simula sa Abril 9 hanggang sa araw ng eleksiyon sa bansa sa Mayo 9, 2016. (LESLIE ANN G. AQUINO)